Pagkalipas ng 6 na dekada, lola naghahanap pa rin ng closure mula sa first love niya

  • Hangad pa rin ng 85-anyos na si Lola Avelina ang closure mula sa kanyang first love
  • Anim na dekada pabalik, bigla na lamang daw hindi nagparamdam si Guillermo sa kanya
  • Napapanaginipan pa rin daw niya ito paminsan-minsan at kung muling magkikita ay yayakapin daw niya ang dating kasintahan

Anim na dekada na ang lumipas simula nang bigla na lamang hindi nagparamdam sa kanya ang una niyang pag-ibig, ngunit hanggang ngayon ay hangad pa rin ng 85-anyos na si Lola Avelina na muli silang magkita.

Image via Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho) | Facebook

Sa Facebook page ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ibinahagi ang kuwento ng matandang babae na sa halip na magtanim ng sama ng loob sa kasintahang naglaho nang parang bula ay naghahangad pa rin na masilayan ulit ito.

“Hindi ko talaga makalimutan ang first love ko. Siya pa lang kasi ang lalaking nagsabi sa akin na mahal niya ako,” ani Lola Avelina sa salaysay na ibinahagi ng KMJS. “Ang pangalan niya, Guillermo. Noong 1950s kami nagkakilala. Matipuno siya. Nagbo-boxing, lumalaban sa mga barangay sa Maynila. Matangos ang ilong.”

“Noong una pa lang, sabi niya, ‘Puwede ba kitang ligawan?’ Umabot ng isang taon bago kami naging magnobyo’t nobya. Apat na taon din kaming magkarelasyon,” pagpapatuloy niya.

Sa tagal ng panahong iyon, ni hindi raw sila nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kahit minsan kaya nakapagtataka na bigla na lamang itong hindi nagparamdam.

“Sa buong pagsasama namin, hindi kami nag-away. Hindi kami nagsasagutan. Wala talagang away. Pero bigla na lang siyang hindi nagparamdam! Hindi ko na siya nakita ulit. Hindi na kami nagkausap. Minsan, napapanaginipan ko siya. Sabi ko, ‘Hoy, ang daya mo! Sabi mo walang iwanan. Ba’t mo ako iniwan? Hindi ka man lang nagpaalam!’” pagbabahagi ng matanda.

Kung muling magkikita ay yayakapin daw niya ang pag-ibig na hanggang ngayon ay kanyang hinahanap-hanap, “Sabi ng anak kong isa, ”Pag nandiyan na siya, ano’ng gagawin n’yo?’ Sabi ko, ‘Tatakbo ako’t yayakapin ko siya!'”

Image captured from Facebook