Mister may surprise para sa kanyang asawa na avid fan ng TV series na FRIENDS

  • Isang mister ang sinurpresa ang kanyang misis sa pamamagitan ng pag-transform ng kanilang pintuan
  • Ang pintuan na ginawa ay ginaya ng lalaki sa American TV sitcom na “FRIENDS” na paborito umano ng kanyang maybahay
  • Marami namang netizens na avid fan din ng nasabing TV series ang nagkaroon ng ideya dahil sa ginawa ng mister

Mula 1994 hanggang 2004 ay ipinalabas ang American TV sitcom na FRIENDS na pinagbidahan nina Jennifer Aniston (Rachel Green), Courteney Cox (Monica Geller), Lisa Kudrow (Phoebe Buffay), Matt LeBlanc (Joey Tribbiani), Mattew Perry (Chandler Bing), at David Schwimmer (Ross Geller).

Imahe mula Instagram

Kahit matagal nang napalabas ang nasabing sitcom ay marami namang Pinoy ang naging avid fan nito dahil kasalukuyang maaaring mapanood ang kumpletong 10 seasons ng FRIENDS sa video streaming app na Netflix.

Bukod sa mga karakter, naging iconic din para sa maraming manonood ang apartment ni Monica Geller dahil ito ang naging main setting ng series sa loob ng sampung taon — ang apartment number 20 at ang likod na pintuan nitong kulay purple.

Isa si Meng Morales mula Cainta, Rizal sa mga naging avid fan ng nasabing TV series. At nang magkaroon ng pagkakataon ay sinubukan niyang i-transform ang kanilang pintuan tulad ng pintuan ni Monica Geller sa apartment nito.

Imahe mula Facebook

“I love FRIENDS, and I saw that a friend of mine can 3D print the yellow frame. I just wanted to hang it on the door, but my husband renovated the whole door for me—paint, peephole and all,” ani Meng Morales sa kanyang panayam sa The Philippine STAR.

Nagulat umano si Meng nang tinuloy-tuloy ng kanyang asawa na si Keith ang pag-transform ng kanilang buong pintuan upang magaya ang iconic door ng apartment 20. “He worked on it on four Saturdays, about two hours each day. Ang matagal ay ‘yung pagpatuyo ng paint,” dagdag pa ni Meng.

Ani pa ng FRIENDS fanatic, hindi siya makapaniwala sa kinalabasan ng kanilang pintuan dahil gayang-gaya umano nito ang napapanood niya sa series.

“Nung nabuo na lahat, sobrang saya ko, I can’t stop looking at it. Naiyak ako sa tuwa. Ang sarap sarap ng pakiramdam,” pahayag pa ng uploader.

Libo-libong netizens naman ang nag-react sa nasabing post, at ang ilan sa kanila ay nagsabi na gusto rin nila itong gayahin dahil naging avid fan din sila ng FRIENDS.