Angel Locsin humanga sa eggshell artwork na gawa ng isang estudyante mula sa Laguna

  • Isang estudyante mula sa Laguna ang gumawa ng egg shell mosaic para sa kanilang art subject
  • Itinampok niya sa mosaic na ito ang portrait ni Angel Locsin at ibinahagi sa social media kung paano niya ito ginawa
  • Umani ng magagandang reaksyon ang obra ng estudyante at mismong si Angel din ay kanyang napahanga

Dahil wala pang face-to-face classes ngayon sa bansa, ang mga estudyante ay sumasailalim muna sa distance learning at sa kani-kanilang mga tahanan nag-aaral gamit ang mga modules at via online classes.

Imahe mula kay Jeaver Alger Aoanan via Facebook

Bagama’t walang face-to-face classes, hindi pa rin nawawala ang asignaturang sining o art classes. Kinakailangan pa rin nilang gumawa ng obra batay sa kanilang napag-aralan at ang mga ginawang obra ay ipinapasa sa mga guro upang mabigyan ng grado.

Kamakailan, agaw-pansin sa social media ang ginawang obra ng 18-anyos na estudyante mula sa Laguna na si Jeaver Alger Aoanan. Ang obrang ito ay isang eggshell mosaic para sa kanilang subject na Contemporary Philippine Arts.

Kuwento ni Jeaver, unang beses niyang ginawa ang eggshell mosaic tampok ang larawan ng Kapamilya actress na si Angel Locsin. Gamit lamang ang mga dinurog na shells ng itlog, mano-mano niya itong idinikit at hinulma upang lumabas ang portrait ng aktres.

Imahe mula kay Jeaver Alger Aoanan via Facebook

“Sa totoo lang po, first time ko lang po gumawa ng art na gamit ang eggshells kasi ayun po yung requirement sa contemporary Philippine arts subject po namin kaya medyo nahirapan po talaga ako,” kuwento ni Jeaver.

Sa TikTok video, ibinahagi ng estudyante kung paano niya ginawa ang nakabibilib na eggshell mosaic ni Angel. Hindi niya umano sukat-akalain na maraming netizen ang makapapansin nito kabilang na mismo si Angel.

“Nagulat po talaga ako pagkagising ko kinabukasan na marami na po ang nag-share at nakapanood [sa TikTok], sobra din po yung tuwa ko sa magagandang comments ng ibang tao kahit hindi ko po sila kilala.”

Imahe mula kay Jeaver Alger Aoanan via Facebook

Sa kanyang official Twitter account, ibinahagi ni Angel ang obra ni Jeaver na may caption na: Amazing eggshell mosaic! (clapping emoji) Thank you @jeaveraoanan. Umani ang nasabing tweet ng aktres ng libo-libong likes.

Bagama’t unang beses gumawa ng eggshell mosaic, mahilig na talaga umanong gumawa ng art si Jeaver na 9-anyos pa lamang ay nagsimula na umanong gumihit gamit ang krayola at bond paper. Siya rin umano ang ipinanglalaban sa kanilang eskuwelahan tuwing may poster making contest.