Panganay na anak ng basketball legend na si Kobe Bryant, isa nang professional model sa ilalim ng IMG Models/

  • Kamakailan ay inanunsyo ng isang international modeling agency na kabilang sa pinakabagong parte ng kanilang kompanya ang panganay na anak ni Kobe Bryant
  • Isang malaking karangalan para kay Natalie Bryant na mapabilang sa mga professional models na kanya nang pinangarap noong bata pa lamang
  • Ginunita kamakailan ang pagpanaw ni Kobe Bryant at ng kanyang anak na si Gianna noong nakaraang taon

Isa na marahil sa pinakahindi malilimutang pangyayari noong nakaraang taon bukod sa paglaganap ng COVID-19 ay ang pagkasawi ng basketball legend na si Kobe Bryant at ng kanyang 13-anyos na babaeng anak na si Gianna.

Imahe mula Instagram | @vanessabryant

Ayon sa balita, umaga ng January 26, 2020 nang sumakay si Kobe, Gianna, at pito pang mga pasahero sa isang helicopter na papunta sanang Orange County para sa isang basketball tournament nang abutan sila ng makapal na fog sa San Fernando Valley sa Los Angeles, California.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, sumalpok sa Southern California hillside ang sinasakyang helicopter nina “Black Mamba” at wala ni isa sa mga pasahero maski piloto ang nakaligtas. Pagkatapos ng isang taon, patuloy pa rin ang pagdadalamhati ng basketball community.

Naiwan ni Kobe ang asawang si Vanessa Bryant at tatlo pa nilang mga anak na sina Natalie, Capri Kobe, at Bianka Bella. Bagama’t nabalot ng malagim na pangyayari, unti-unting nakabangon si Vanessa at ang tatlo pa niyang anak.

Imahe mula Instagram | @imgmodels

Kamakailan ay nagkaroon ng “big break” ang panganay na anak nina Kobe at Vanessa na si Natalie nang ianunsyo ng international modelling agency na IMG Models na kabilang ang 18-anyos na si Natalie sa kanilang mga pinakabagong modelo.

“NOW REPRESENTING: #NataliaBryant! ‘I have always been interested in fashion since a very young age. I have a love for the industry and ever since I can remember I wanted to model,'” ayon sa nakasaad sa Instagram post ng IMG Models.

Lubos naman ang kasiyahan ni Natalie sa oportunidad na binigay sa kanya, “There is a lot to learn but I feel this is a great opportunity for me to learn and express myself creatively. I am beyond thrilled and honored to be a part of the IMG family!” ani ng dalaga.

Super proud rin si Vanessa sa natamo ng panganay na anak, ” I’m so happy for you! I love you Nani!”