Judy Ann Santos-Agoncillo ipinagmalaki ang pagiging multitasker: ‘Loving every minute of it’

  • Sa isang Instagram post, ibinahagi ni Judy Ann Santos-Agoncillo ang isang larawan kung saan ay may inaasikaso siyang mga papeles
  • Sinabi ni Juday na bukod sa pagiging artista, mayroon din siyang ibang papel na ginagampanan tulad ng pagiging chef at factory worker
  • Ayon naman sa isang pag-aaral, napag-alaman na mas magaling sa ‘multitasking’ ang kababaihan kumpara sa kalalakihan

Kilala ang beteranong aktres na si Judy Ann Santos-Agoncillo dahil sa iba’t ibang karakter na kanya nang ginampanan sa telebisyon at mga pelikula. Mula pagkabata, pagkadalaga, at hanggang siya ay maging isang asawa at ina ng mga anak, nasaksihan ng maraming Pinoy ang kanyang naging pamumuhay at karera sa industriya ng showbiz.

Imahe mula kay Judy Ann Santos-Agoncillo via Instagram

Bagama’t nagkaroon na ng sariling pamilya, hindi pa rin tumigil sa showbiz si Judy Ann na kilala rin sa tawag na Juday. At ngayon ay hindi na lamang siya sa mga programa sa telebisyon at pelikula may ginagampanan na iba’t ibang papel dahil sa tunay na buhay ay isa siyang “multitasker.”

Kamakailan ay ibinahagi ni Juday sa kanyang Instagram account ang isang larawan habang napalilibutan ng mga papeles na kanyang tinatrabaho. Nilagyan niya ito ng caption na: Work from home. Minsan artista, minsan chef, minsan factory worker, minsan sabay sabay sa isang araw.

Marami man ang ginagawa, sinabi ni Juday na she’s “loving every minute of it” habang naka-mention din ang food business nila ng asawang si Ryan Agoncillo na ANGRYADOBO. Nakilala si Juday na magaling din sa pagluluto at mayroong sariling cooking show sa YouTube channel, ang Judy Ann’s Kitchen.

Imahe mula kay Judy Ann Santos-Agoncillo via Instagram

Ayon naman sa inilabas ng artikulo ng BBC News, napag-alaman sa pag-aaral na ang mga kababaihan ay mas magaling sa pag-multitask kumpara sa mga kalalakihan. Sa inilabas na journal ng BMC Psychology, sinabi sa pag-aaral na ang kalalakihan ay mas mabagal at “less organized” kumpara sa kababaihan.

Napag-alaman din sa pag-aaral na “women were more organized under pressure, they spent more time thinking at the beginning.” Habang ang kalalakihan naman umano ay padalos-dalos, “men had a slight impulsiveness, they jumped in too quickly.”

Anuman ang sinasabi ng mga pag-aaral, mahalagang matandaan na sa huli, mas produktibo ang isang tao sa tuwing nakatatapos ng mga gawain, kahit ilan pa ito.