‘Kami na lang mag-aadjust, Aling Marites’ Karinderya sa Davao, naghatid ng aliw sa mga netizens

  • Viral ngayon online ang mga larawan na kuha sa isang karinderya sa Davao
  • Labis kasi ang baba ng karinderya na ito na kinakailangan pang lumuhod ng mga bibili ng ulam
  • Dumagdag pa sa hatid na aliw ng larawan ay ang iba’t ibang reaksyon at naisip na caption ng netizens

Kabilang na sa ating lipunan ang pagkakaroon ng iba’t ibang sari-sari store at karinderya na matatagpuan sa halos lahat ng kalye sa bawat sulok ng bansa. Ang mga tindahan na karaniwang makikita sa lansangan ay maaaring maliit na puwesto lamang na bahagi ng bahay.

Imahe mula kay Mep Zednanref via Facebook

Habang ang mga karinderya naman ay maaaring malaking puwesto na bahagi rin ng bahay o kaya ay may sariling establisyemento lalo na kung tumatanggap din sila ng mga dine-in customers o iyong mga bumibili ng ulam at kumakain sa kanilang puwesto.

Karaniwang lutong ulam na baboy, isda, manok, at mga gulay ang ibinebenta sa mga karinderya, may libre ding sabaw lalo na sa mga kumakain dito. Subalit bibili ka pa ba sa isang karinderya kung kinakailangan mo munang lumuhod bago hainan ng pagkain?

Viral ngayon sa Facebook ang larawan ng isang karinderya na sa sobrang baba ng puwesto at kinalalagyan ay kinakailangan pang halos lumuhod ang mga customer makita lamang ang mga ibinebentang ulam.

Imahe mula kay Mep Zednanref via Facebook

Ang nasabing larawan ay ibinahagi ni Mep Zednanref sa kanyang FB account at ito ay umani na agad na libo-libong likes, comments, at shares, ni-reupload rin ito ng iba’t ibang FB pages kaya lalong nag-viral.

Ang litrato ay kuha sa Upper Digos, Davao Del Sur at nilagyan ng uploader ng caption na: Kami na lang mag-aadjust (laughing emoji). Sa larawan kasi ay makikita ang mga bumibiling customer sa nasabing karinderya na nakaluhod para lamang makita ang mga itinitindang ulam sa karinderya.Upang hindi masaktan ang kanilang mga tuhod habang nakaluhod, nakapatong ang mga ito sa suot nilang tsinelas.

Imahe mula Facebook

Naghatid ng good vibes ang mga nasabing litrato sa netizen na gumawa pa ng iba’t ibang bersyon nila ng caption. “Aleng Marites, hindi ako karapat-dapat na magpatuloy sa iyong kainan, ngunit sa isang salita mo lamang ay kakain na ako” ang isa sa mga nag-viral na caption ng mga larawan.

Matatandaan na mayroon ding viral na larawan ng isang tindahan naman na sa sobrang taas ay hindi na maabot pa ng mga bibili. Nilagyan naman ito ng caption na “Rapunzel, pautang nga ng kopiko twinpack.”