Kabayo sa Baguio na si “Strawberry” nakikipag-showdown sa pagsayaw ng “budots” dance

  • Viral ang video ngayon ng isang kabayo na game na game na nakikipagsayaw sa kanyang mga amo
  • Ang kabayong ito ay ang 11-anyos na si “Strawberry” na makikita sa Mines View sa Baguio City
  • Sa video ay makikitang umiindayog din si Strawberry sa saliw ng tugtog ng “budots” dance kasama ang kanyang mga sumasayaw din na mga amo

Kilala ang mga kabayo sa kanilang lakas sa pagtakbo, pagtalon, at pag-akyat ng mga bundok. Karaniwang makikita sila sa mga malalawak na hacienda o bukirin. Dito sa Pilipinas, maituturing din ang mga kabayo na bahagi ng kultura dahil bago pa man dumating ang mga makabagong sasakyan ay kalesa ang ginagamit na pangunahing transportasyon ng mga sinaunang tao.

Imahe kuha mula sa video ni Chris Jericho via Facebook

Subalit ngayong panahon, hindi na lamang pang takbo, talon, akyat ng bundok, at transportasyon ang mga kabayo dahil sila ay ginagawa na ring atraksyon sa mga lugar na binibisita ng mga turista.

Sa lungsod ng Baguio, mayroong isang kabayo sa Mines View Park ang hindi na lamang sinasakyan tuwing nagpapakuha ng litrato, dahil ang kabayo na ito ay marunong ding sumayaw!

Sa video na nagmula kay Chris Jericho, makikita ang 11-anyos na kabayo na si “Strawberry” habang kasama ang kanyang mga batang amo. Ang mga bata ay sumasayaw sa tugtog ng kilalang “budots” dance, at hindi rin nagpahuli si Strawberry sa pag-indayog!

Imahe kuha mula sa video ni Chris Jericho via Facebook

Mapapanood sa video na maski si Strawberry ay nakikihataw sa tugtog ng budots dance kasama ang kanyang mga amo. Ang video na ito ay naitampok din sa  ulat ng “State of the Nation” ng GMA News TV.

Ayon sa tagapangalaga ni Strawberry, likas umano na makulit ngunit maamo ang alagang kabayo. At tila matalino rin ito dahil sa galing sa pagkilala sa tugtog at paggaya sa pag-indayog ng mga sumasayaw.

Kasalukuyang tumatanggap naman ng mga turista ang Baguio City subalit kinakailangan muna nilang dumaan sa mahigpit na COVID-19 protocols bago makapagbakasyon sa lungsod.