‘Bridal carabao’ ginamit ng magkasintahang ikinasal sa Capiz

  • Pinusuan ng libo-libong netizen ang larawan ng magkasintahang bagong kasal mula sa Capiz
  • Imbes kasi na sa bridal car sumakay, sa karosa na hila-hila ng kalabaw sumakay ang bagong kasal dahil na rin maputik sa kanilang daraanan
  • Pangkaraniwan ang pagsakay sa karosa na hila-hila ng kalabaw sa mga probinsya dahil halos ang mga daraanan dito ay maputik at hindi pa sementado

Bahagi na ng tradisyon ng mga Pilipino na sa tuwing matatapos ang seremonya ng kasalan sa simbahan ay sasakay ang bagong kasal sa isang sasakyan na maghahatid sa kanila sa bahay o reception ng kanilang kasal.

Imahe mula kay Speed Pelaez via Facebook

Sa pagdaan ng panahon, nanatili pa rin ang ganitong tradisyon subalit na-impluwensiyahan na ng makabagong pamamaraan. Subalit mayroon pa ring mga Pinoy ang pinipiling maging payak ang kasalan basta’t ang mahalaga ay ang pagiging opisyal ng kanilang pagmamahalan.

Nang magsimula ang pandemya noong nakaraang taon, labis na naging strikto ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng COVID-19 protocols. Subalit sa pagdaan ng mga buwan, naging mas maluwag na lalo sa mga lugar na mabababa ang kaso ng coronavirus tulad sa mga probinsya.

Pinapayagan na ang kasalan tulad sa probinsya hangga’t nasusunod ang health and safety protocols at nakasuot ng face mask ang mga limitadong dadalo. Agaw-pansin naman sa Facebook ang larawan ng bagong kasal na magkasintahan mula sa Capiz hindi dahil sa kanilang kakaibang tema, kundi dahil sa bridal “car” na kanilang sinakyan.

Imahe mula kay Speed Pelaez via Facebook

Ibinahagi ng netizen na si Speed Pelaez sa kanyang FB ang larawan ng bagong kasal na sina Wenefredo at Mary Ann mula sa Brgy. Bangon Bangon Sigma sa probinsya ng Capiz. Makikita sa mga larawan na karosang hila-hila ng kalabaw ang sinakyan ng mag-asawa bilang kanilang bridal car.

“Puwedeng magmahalan sa lugar ng Sigma, Capiz na ng karosa bilang bridal car sa kanilang kasal. Kapalit ng sasakyan, karosa ang sinakyan nila Wenefredo at Mary Ann matapos nagoalitan ng ‘I do’ sa simbahan,” ang inilagay na caption ng uploader.

Imahe mula kay Speed Pelaez via Facebook

Makikitang maputik dahil hindi sementado ang dadaanan nina Wenefredo at Mary Ann, kaya naman tamang-tama lang ang pagsakay nila sa karosa. Marami namang netizen ang nagbigay ng kanilang reaksyon tungkol dito.

“Ganyan talaga sa probinsya, lalo nat umuulan maputik, the best na ‘yang paragos na hila ng kalabaw.”

“Sa totoo matagal na ang ganitong klase ng kasal, naging sosyal lang naman, noon kinasal ang lolo ko kalabaw at paragos lang din ang gamit nila.”

“Ok ‘yan para hindi makalimutan na ang kalabaw ay pambansang hayop.”