Baron Geisler inaming nawala ang angas nang maging ama: ‘Siguro, ilalabas ko kapag kailangan ng pamilya’

  • Sa isang panayam, inamin ni Baron Geisler na labis na nagbago ang kanyang pag-uugali dahil sa pamilya at pananampalataya
  • Nawala ang ‘angas’ ni Baron nang magkaroon ng anak at sinabi niyang kung may maghahamon sa kanya ng away ay tatakbo na lamang siya
  • Bukod sa pagiging artista, nagtayo na rin ng sariling negosyo si Baron na kasalukuyang naninirahan sa Cebu kasama ang pamilya

Kilala ang beteranong aktor na si Baron Geisler dahil simula pagkabata hanggang sa tumanda ay lumaki siya sa harap ng camera. Nakilala siya dahil sa galing sa pag-arte subalit nabansagan ding “bad boy” dahil sa pagkakadawit sa iba’t ibang isyu at kontrobersiya.

Imahe mula kay Baron Geisler via Instagram

Matatandaan na inamin ni Baron nang siya’y makapasok bilang housemate sa Pinoy Big Brother Celebrity Edition 2 na mayroon siyang problema dahil sa mga naging bisyo. Patuloy pa na nadawit ang kanyang pangalan dahil sa mga nakaalitan, hanggang pansamantalang nanahimik sa industriya.

Hanggang sa noong 2019, pinakasalan ni Baron ang nobyang si Jaime Evangelista, isang psychologist na nakilala niya habang nasa rehabilitation center. Sa parehong taon ay sinalubong nina Baron at Jaime ang kanilang babaeng anak na si Talitha Cumi Geisler. Sa kanyang bagong pamilya, inamin ni Baron na tuluyang nagbago ang kanyang buhay at mga pananaw.

Imahe mula kay Baron Geisler via Instagram

Sa isang virtual na panayam kay Baron bilang welcome presscon sa kanya ng Viva Artists, ang bagong hahawak sa kanyang talent agency, inamin ng 38-anyos na aktor na nagbago ang kanyang ugali matapos maging ama.

“Nag-soften ‘yung character ko. Hindi na ako maangas. Siguro ‘yung angas na ‘yan, ilalabas ko ‘yan kapag kailangan ng pamilya. Ilalabas ko sa pagbanat ng buto at, siyempre, dahil may anak at asawa na ako, ayoko na ng gulo,” ani Baron.

Imahe mula kay Baron Geisler via Instagram

Dagdag pa niya, kung mayroon umanong manghahamon sa kanya ay baka takbuhan na lamang niya ito, “tatakbo na lang ako kasi ayaw natin ng kaaway, lahat kaibigan natin.”

Bukod sa asawa at anak, isa rin umano sa nagpabago sa kanya ay ang nahanap na pananampalataya.

“I always speak to God na parang, ‘Lord, please give me an opening. Please, just one call, I just need one call to start again.’  And He hears my prayers. And kung may magsarado man na pintuan, magbubukas naman Siya ng ilan pang mga windows, opportunities,” pahayag pa ng aktor na ngayon ay mayroon nang sariling negosyo sa Cebu.