VIRAL: Baby girl na mali ang natanggap na order, nakuha na ang pinakaaasam na Hello Kitty bag

  • Viral ang larawan ng batang babae mula Batangas matapos niyang matanggap ang pinakahihintay na order sa isang online shopping platform
  • Imbes na Hello Kitty bag, ibang disenyo ang naibigay sa bata kaya naman todo ang kanyang pag-iyak na nakuhanan ng litrato
  • Umorder muli ng Hello Kitty bag ang pamilya ng bata at sa pagkakataong ‘yon ay tama na ang kaniyang natanggap

Nasubukan mo na rin bang umorder online subalit iba ang kulay, disenyo, o maski ang item na ibinigay sa iyo? Ano ang iyong ginawa at naramdaman pagkatapos makatanggap ng maling order?

Imahe mula kay Hsiao Laiza via Facebook

Karamihan sa mga namimili sa iba’t online shopping sites o stores ay mga Pinoy na nasa hustong gulang na. Madalang namang makakita ng mga bata na naga-add to cart dahil hindi nila alam ang mga dapat pindutin sa cellphone at maaaring magkamali pa sila at maparami ang order.

Kaya naman todo ang excitement at saya ng tatlong taong gulang na si Ivy mula Batangas matapos niyang matanggap ang package ng piniling Hello Kitty bag sa 11.11 sale ng online shopping site na Lazada.

Subalit nang buksan na ni Ivy ang pakete, tumambad sa kanila ang maling hitsura at disenyo ng bag. Hindi ito ang Hello Kitty na pinakaaasam ng bata. Kaya naman nakuhanan ng litrato ang pagkalungkot at pag-iyak ng bata matapos niyang hindi matanggap ang ninanais na Hello Kitty bag.

Imahe mula kay Hsiao Laiza via Facebook

“Nung na-deliver na nga, ‘di pa niya na-o-open super saya na niya, alam niya kasi. Hinihintay niya ‘yong Hello Kitty na ‘yon. Natawa na lang din kami at pag-open, iba ang laman. Akala namin kami ‘yong nagkamali, pero ‘yong seller talaga mali,” ayon sa auntie ni Ivy na si Hsiao Laiza na siyang nagbahagi ng mga larawan online.

Kuwento ni Hsiao, pumili si Ivy ng bag sa Lazada dahil hindi sila makapunta sa malls dahil na rin sa pandemya. Sa sobrang excitement ay hindi napigilan ni Ivy ang mapaiyak na lamang matapos iba ang maibigay sa kanyang bag ng seller.

Imahe mula kay Hsiao Laiza via Facebook

“Pagka-iyak niya, kinabukasan nag-order na ulit,” kuwento naman ni Hsiao. Na-refund rin umano ang ibinayad nila sa bag na ibinalik din sa seller. Subalit sa ikalawang pagkakataon, sa ibang seller na sila umorder ng Hello Kitty bag upang hindi na makatanggap pa ng maling item.

Sa ikalawang pagkakataon ay tama na ang natanggap ni Ivy, ang kanyang pinakaaasam na Hello Kitty bag.