ALAMIN: Daan-daang trabahong alok ng Foreign at local companies sa Pilipinas

  • Sa datos ng isang website kung saan maaaring maghanap ng trabaho, daan-daang posisyon ang maaaring pasukan ng mga Pinoy na naghahanap ng trabaho
  • Kabilang sa mga trabahong ito ay mula sa mga foreign companies, at mayroon ding mula sa mga lokal na kompanya dito sa Pilipinas
  • Nangunguna sa in-demand na trabaho ngayon ang pagiging call center agents kung saan higit 19,000 ang bakanteng posisyon ngayon

Maraming Pinoy ang nagdurusa dahil sa pagtama ng COVID-19 pandemic dito sa bansa. Kabilang sa mga Pinoy na patuloy na naghihirap ay iyong mga nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya.

Imahe mula PNA

Sa unti-unting pagbabalik-sigla ng ekonomiya ng bansa, unti-unti na ring nagbubukas ang mga kompanya ng posisyon para sa mga naghahanap ng trabaho. Sa tala ng job portal website na Trabahanap, daan-daang kompanya ang may alok na trabaho para sa mga Pinoy, kabilang na ang mga foreign companies.

Nangunguna sa in-demand job sa Trabahanap ay mga call center kung saan higit 19,000 ang bakanteng posisyon ngayon na maaaring pasukan ng mga Pinoy na naghahanap ng trabaho. Ayon sa product and operations head ng Trabahanap na si Daryl Tecson, marami pang bakanteng posisyon ang madadagdag sa kanilang portal.

Napabalita na kamakailan na nasa 500 na mga posisyon ang binuksan ng Swedish home furniture retailer na IKEA para sa pagbubukas ng kanilang kauna-unahang branch dito sa bansa na matatagpuan sa Pasay City.

Kabilang sa mga bakanteng posisyon na maaaring applyan ng mga Pinoy ay ang sales associate, food assisstant, customer service associate, safety and security specialist, technician, karpintero, at marami pang iba. Bukod sa full-time workers, tatanggap din ang IKEA ng part-timers sa mga posisyon tulad ng cashier at warehouse assistant.

Imahe mula PNA

Kasama rin sa mga kompanya na magbibigay ng trabahong oportunidad sa mga Pinoy ang British technology firm na Dyson na nangangailangan ng  400 highly-skilled engineers para sa ipatatayong software laboratory nila sa Muntinlupa.

Ayon kay Dyson Chief Operating Officer Scott Maguire, naniniwala ang kanilang kompanya na magandang puhunan ang pagpapatayo ng software lab sa Pilipinas dahil tahanan ito ng mga kwalipikado at magagaling na empleyadong Pinoy tulad ng mga engineer.

Bukod sa foreign companies, may mga lokal na kompanya din ang nangangailangan ng higit 4,000 delivery driver at rider. Pasok din sa Top 5 job demands ang mga posisyon tulad ng sales person, construction worker, at factory o production worker.

Bisitahin ang website ng Trabahanap upang makita ang iba pang bakanteng posisyon na maaaring applyan.