Netizen nagbabala sa bagong modus gamit ang pagde-deliver ng mga package

  • Isang netizen ang nagbabala tungkol sa panibagong scam gamit ang isang courier service
  • Sa bagong modus na ito, mayroong ihahatid na package sa biktima at saka ito papabayaran kahit hindi naman niya inorder
  • Babala ng netizen, huwag agad tumanggap ng mga pakete lalo na kung hindi naman inorder at huwag din agad babayaran

Simula noong sumailalim sa lockdown ang buong bansa noong nakaraang Marso ay ang online shopping ang isa sa mga naging paraan ng maraming Pinoy upang makabili ng iba’t ibang produkto.

Imahe mula Freepik

Hanggang ngayon na mayroong pa ring pangamba ng COVID-19, ang pag-order sa iba’t ibat online shopping sites at stores ang naging kasanayan na ng maraming Pinoy lalo na at nauuso rin dito ang pagkakaroon ng mega sale kada buwan.

Dahil sa naging popularidad ng online shopping, naging daan din ito ng mga mapansamantalang tao upang manloko ng iba. Iba’t ibang scam at modus ang naranasan ng iba’t ibang Pinoy. Ngayon ay tila may bagong modus ulit na nauuso na ibinahagi ng netizen sa isang Facebook post.

Kuwento ni Rom Factolerin, nakatanggap umano siya ng e-mail mula sa courier service na NINJAVAN na may paparating siyang delivery sa kanilang bahay. Hindi naman umano umorder si Rom na nagkakahalaga ng P2,091.09.

Imahe mula Facebook

“Nakipagtalo pa ako sa delivery guy na kausap ko sa phone kasi nga wala akong expected na delivery at tipong naiinis sa akin ang taga ninjavan kasi ayaw ko tanggapin (at paano ko matatanggap in the first place e wala ako sa bahay) mabigat daw kasi ang kahon at hindi na siya babalik,” kuwento ni Rom.

Hindi umano tinanggap ni Rom ang pilit na ibinibigay na package. At sa kanyang pag-uwi, naalala niya na mayroon siyang inorder na mga libro noon pang nakaraang buwan. At sa e-mail na ipinadala sa kanya, 2,900 at hindi 2,091 (tulad ng sinabi ng NINJAVAN) ang presyo ng kanyang inorder.

Imahe mula Facebook

“To verify, nag-email ako sa merchandiser with screenshot ng email ng ninjavan. At sumagot sila promptly na yung tracking number mula sa ninjavan ay hindi nanggaling sa kanila. At hindi pa nila naipapadala ang inorder ko na mahigit isang buwan na,” dagdag pa ni Rom.

Saan galing ang pilit na ibinibigay na delivery sa uploader? Ani Rom, bagong modus ito ng mga scammer na maaaring ang mga dineliver na bagay ay kahon o bato na walang value. “Huwag magbabayad agad sa delivery guy. I check muna kung match yung price ng inorder nyo ( kung meron man) sa price nung idedeliver sa inyo,” paalala ng uploader.