Lola ni Jake Zyrus, may panawagan sa apo: ‘Ang lola mo kahit piso hindi mo naaalala?’

  • Kamakailan ay lumabas ang video ng lola ni Jake Zyrus na kilala noon bilang Charice Pempengco
  • Ang kanyang lola ay humihingi ng tulong dahil wala nang sumusuporta sa kanya at nakikitira na lamang sa mga kumupkop sa kanya
  • Nanawagan din ang lola kay Jake kung bakit siya pinabayaan at hindi matulungan

Kamakailan ay ibinahagi ng Facebook page na Mukbangers on the Road ang video ng 74-anyos na lola na si Tess Pineda, ang lola umano ni Jake Zyrus o dating kilala bilang si Charice Pempengco.

Imahe mula Facebook

Sa video  na mahigit pitong minuto, umapela si Lola Tess sa mga kilalang personalidad tulad nina Jessica Soho, Raffy Tulfo, at Boy Abunda upang humingi ng tulong. Kuwento niya, mayroon na siyang iniindang karamdaman at dahil sa kawalan ng pera ay humihingi siya ng tulong sa pagpapa-check-up.

“Hindi po ako naaalala ng pamilya ko. Lumalapit po ko sa inyo, humihingi ng tulong, makina po at tsaka pinansiyal para mapa-check up ko po yung mata ko,” ani Lola Tess. Pansamantalang nakikitira ang lola sa kumupkop sa kanyang concerned citizen sa Sta. Rosa, Laguna.

“Gusto ko man pong maghanapbuhay kahit konti, kumita kahit konti… Wala na po akong makina, ibinenta na nilang lahat. Hindi naman po ako sinusustentuhan kahit piso,” kuwento pa niya na ang tinutukoy ay ang pamilya na tinalikuran na umano siya.

Imahe kuha mula sa video ng Raffy Tulfo in Action via YouTube channel

Mangiyak-ngiyak na sinabi ng lola na hindi siya nagpapahabag, bagkus nais niyang maiparating sa mga nakakakilala sa kanya, lalo na sa apo niyang si Jake, ang kanyang kalagayan.

“Charice, bakit mo ako ginanito, anak? Yung ibang tao binubuhay mo, pinakakain mo. Pero ang lola mo kahit piso hindi mo naaalala?” ani Lola Tess habang humahagulgol.

Maraming netizens ang nag-tag sa Facebook page ng Raffy Tulfo in Action sa nasabing video hanggang sa makarating ito sa programa. Kamakailan ay umere sa RTIA ang episode kung saan ipina-Tulfo ni Lola Tess ang anak niyang si Raquel Pempengco, ang nanay ni Jake Zyrus.

Kuwento ni Lola Tess, dati siyang nakatira sa bahay ng anak na si Raquel subalit umalis siya dito dahil palagi umanong “mainit ang dugo” sa kanya ng anak. Sa pahayag naman ni Raquel, sinabi niyang umaalis ang kanyang ina sa kanilang bahay sa tuwing nakatatanggap ng pera at saka lamang bumabalik dala ang maruruming damit at puro utang.

Panoorin ang buong video ng paghaharap ni Lola Tess at Raquel dito: