‘Nahihiya ka to take photos’: MUP 2020 Rabiya Mateo, low-quality ang cellphone kaya niregaluhan ng bagong cellphone ng isang fan

  • Nabanggit sa isang artikulo online at pinatotohanan din ng mga malalapit sa pinakabagong Miss Universe Philippines Rabiya Mateo ang tungkol sa kanyang cellphone
  • Low quality lamang ang cellphone ni Rabiya, kaya naman hirap ito noon sa kompetisyon na mag-upload ng magagandang litrato
  • Ngayon ay niregaluhan na ng bagong cellphone si Rabiya ng isang fan na kanyang pinasalamatan

Usap-usapan pa rin online ang tungkol sa bagong kinoronahang Miss Universe Philippine 2020 na si Rabiya Mateo mula sa Iloilo City. Bukod sa maraming Pinoy ang nais na lalo pa siyang makilala, nais din ng nakararami na makita at matunghayan kung ano-anong mga adhikain ang kanyang maibabahagi at maipapamalas.

Imahe mula Instagram

Alam ng nakararami na mula sa “humble beginnings” si Rabiya at isa nang magpapatotoo nito ay ang kanya umanong ginagamit na cellphone noong nasa kompetisyon pa lamang ng Miss Universe PH.

Sa artikulong inilabas ng PEP, isang netizen ang nag-iwan ng komento sa Instagram post ni Rabiya at sinabing “may bago na siyang cellphone! Love you manang @rabiyamateo. Enjoy ang pinaghirapan mo. GOD BLESS.”

Ang nabanggit na komento ay sinagot naman ni Rabiya: “Hahaha. Natatawa ako. Pero yes may cellphone na po na bago. Thank you sa fan na nagbigay.” Hindi naman binanggit ni Rabiya ang mistulang “fan” na nagbigay ng kanyang bagong cellphone.

Imahe mula Facebook

Ang nasabing palitan ng komento ni Rabiya at ng isang netizen ay pinatotohanan ng kaibigan at mentor niyang si Rabie Ian Pogoy; isang talent manager. Sa Facebook post ni Rabie ay ibinahagi niya ang naging problema noon ni Rabiya sa pagkuha ng magagandang litrato ng OOTD na ipo-post sa kanyang social media.

“You had difficulty to take photos because low quality yung nakukuha from your phone. Sabi mo pa nga nak nahihiya ka to take photos kasi halos lahat ng ibang girls naka Iphone tapos sayo sobrang low quality, most of the time you ask another girl to take photos of you using their phones,” ani Rabie sa kanyang FB post.

Imahe mula kay Rabiya Mateo via Instagram

Naranasan din umano ni Rabiya na masiraan ng cellphone habang nasa kompetisyon. Sa post ay binanggit din ng talent manager na bumigay ang cellphone ni Rabiya dahil sa defective na battery.

Sinimulan na ni Rabiya ang pagganap sa papel ng pagiging Miss Universe Philippines sa paggawa ng mga pictorial  at pagdalo sa opening ng isang e-learning center sa Maynila. At tiyak, marami pa tayong aabangan tungkol kay Rabiya at sa kanyang pagiging Miss Universe Philippines!