Magicians naglunsad ng online competition para makalikom ng donasyon para sa frontliners

  • Isang grupo ng mga magicians dito sa Pilipinas ang kamakailan lang ay naglunsad ng online competition na bukas para sa iba’t ibang magicians
  • Ang online competition na ito ay upang makapagbigay saya sa mga netizens at makalikom na rin ng donasyon para sa mga frontliner
  • Ayon sa grupo, nais nilang iparamdam ang “magic of Christmas” lalo na sa mga frontliner

Karaniwang nakapanonood ng mga magic shows tuwing may kaarawan o kaya naman ay espesyal na okasyon. Subalit dahil sa COVID-19 pandemic, humina ang kabuhayan ng mga magician dahil ipinagbabawal na ang mass gatherings at pagdiriwang ng mga okasyon.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Naging matumal man ang kanilang trabaho, ginamit naman ng isang grupo ng magicians ang kanilang pagkakabuklod-buklod upang magsagawa ng isang online competition tampok ang iba’t ibang magicians.

Kamakailan ay inilunsad ng grupong Inner Magic Club, samahan ng mga magician dito sa Pilipinas at sa iba pang bansa, ang isang online competition na nilahukan ng iba’t ibang magicians. Naging daan ang online competition na ito upang magbigay aliw at higit sa lahat ay makalikom ng donasyon na ibabahagi sa mga frontliners.

“During this time sa pandemic, maraming Pilipino ang naghihirap lalo na sa sakit, sa virus na nangyayari sa atin ngayon kaya naman naisip ng grupo na magbigay ng kasiyahan sa mga tao, at the same time, makahingi ng tulong para sa mga pasyente ng COVID-19,” ani James Cuervas, organizer at vice president ng Inner Magic Club.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Iba’t ibang magic tricks ang ipinakita ng mga magician sa nasabing online competition. Sina Alfonso Abejuela, 27 anyos at close-up magician, at Gerald Espiritu, 24 anyos at stage magician, ang itinanghal na grand winners sa nasabing kompetisyon.

Ayon kina Alfonso at Gerald, maaaring ang nagpanalo sa kanila sa kompetisyon ay iyong mga ginawa nilang tricks na bago sa paningin ng mga audience. Ang mga naging hurado sa kompetisyon ay nagmula pa sa iba’t ibang bansa.

Ayon pa kay Gerald, masaya siya hindi dahil nanalo kundi dahil “nabigyan ako ng chance na makatulong sa mga frontliners. Eh sa panahon po ngayon, mas kailangan po nila ang tulong.”

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Ilan sa mga makatatanggap ng donasyon mula sa isinagawang online competition ay ang mga frontliners ng East Avenue Medical Center na ngayon pa lang ay labis na ang pasasalamat sa maagang pamasko sa kanila ng mga magicians.

“Ang mensahe ng Pasko ay pagmamahal kaya po hindi ito nalalayo, ‘yung ginawa ng Inner Magic Club, hindi ito nalalayo sa tunay na mensahe ng Pasko. Ayun ang pakikibahagi ng pag-ibig, pagpapala at pagtulong sa kapwa,” ani EAMC officer-in-charge Dr. Alfonso Nuñez III.

Masayang ibinahagi ng Inner Magic Club ang videong ito: