Kilalanin: Batang tattoo artist matatagpuan sa Paniqui, Tarlac

  • Isang bata mula sa Paniqui, Tarlac ang nakilala dahil sa kanyang angking galing sa pagta-tattoo na namana niya sa kanyang tatay na isang tattoo artist
  • Unang naitampok sa programang “Frontrow” ng GMA ang nasabing batang burdador
  • Sumali na sa iba’t ibang tattoo competitions ang nasabing bata kung saan siya ay nakatanggap ng mga gantimpala

Para sa mga nagnanais magpa-tattoo, mahalagang ikonsidera hindi lamang kung anong klaseng disenyo ang ipabuburda sa katawan kundi pati na rin ang tattoo artist na gagawa nito. Sa panahon ngayon, maraming tattoo artist —lalaki at babae— ang matagal na sa industriya.

Imahe mula Facebook

Subalit paano kung ang maglalagay sa’yo ng tattoo ay isang bata lamang? Papayag ka ba? Marahil marami ang aayaw kapag nalaman na isang musmos lamang ang gagawa ng tattoo, subalit kung ang bata naman na ito ay tulad ni Añiel Jay Sese, tiyak na marami ang papayag — at bibilib.

Unang naitampok ang batang tattoo artist na si Añiel  sa programang “Frontrow” ng GMA News noong nakaraang taon. Kahit siyam na taong gulang lamang, nagta-tattoo na ang nasabing bata na mula sa Paniqui, Tarlac.

Kuwento ng tatay ni Añiel na si Renel, isa ring tattoo artist at matagal  nang tumatanggap ng mga kliyente na nais magpaburda, bata pa lamang ang anak ay nagkaroon na ito ng interes sa tattoo. Ayon naman sa nanay ni Añiel  na si Michelle, preschool pa lamang ay nagpamalas na ito ng galing sa pagguhit at pagkulay.

Imahe mula Facebook

Nakikita ni Añiel  ang ginagawa ng ama na mayroong tattoo shop, at isinasama rin siya sa mga tattoo competitions na dinadaluhan ng kanyang ama. Dahil sa mga nakita at naobserbahan, isang araw ay sinabi ni Añiel sa ama na nais niya ring mag-tattoo.

Kuwento pa ni Renel, nasa edad apat hanggang lima lamang si Añiel nang pahawakin niya ito ng tattoo machine. Nag-umpisa lamang sa mga simpleng hugis ang ginagawang tattoo ni Añiel hanggang sa siya ay gumaling na sa edad na siyam sa lining, coloring, at shading dahil na rin sa pagtuturo sa kanya ng kanyang ama.

Imahe mula Facebook

Sumali na sa iba’t ibang tattoo competitions si Añiel  kung saan siya ay nakauwi ng mga gantimpala. Maraming Pinoy ang namangha sa galing ng batang burdador at marami na rin ang nagnanais na siya ang kanilang maging tattoo artist.

Kamakailan, muling naitampok ang kuwento ni Añiel sa programang “Family Time” ng GMA Network.