Balik-tanaw sa kahapon: Inabutan mo ba ang mga ‘tinapay sa garapon’?

  • Isang pamilyar na tanawin noon sa mga tindahan ang mga nakahilerang garapon na naglalaman ng mga tinapay
  • Sa isang Facebook page, binalikan ng mga “young once” ang mga alaalang kakabit ng classic na “tinapay sa garapon”
  • Mayroon ding iba na minsa’y nagkaroon daw ng mga ito sa sarili nilang tahanan

Kung isa ka sa mga “young once”, hindi na marahil bago sa iyo ang mga tinapay na nakalagay sa garapon noon.

Image captured from Facebook

Sa Facebook group na Memories of Old Manila and Beyond, binalikan ng marami ang mga gunitang naging kakabit na ng mga “tinapay sa garapon”. Matatandaang naging isang pamilyar na tanawin sa mga tindahan ang nakahilerang mga garapon na naglalaman ng iba’t ibang tinapay.

“Ako, lahat ng tinapay nakalagay sa Garapon. May tindahan kasi kami, tapos inng ref de gas,” pagbabahagi ng social media user na si Maria Eliza Felix.

“Napakasimple lang talaga ng buhay noon,” ani Zniv So. “Nakakamiss. Kung puwede ko lang ibalik ang lahat, mas gugustuhin ko pang mabuhay sa nakaraan.”

“Ang hirap pa buksan niyang mga garapon. Lalo na kapag medyo may kalawang na ang takip na lata, pupuwersahin mo pa iyan,” kumento ni Conquest Zest. “Buti nakakaya ng mga matatanda noon na ‘di nababagsak ang garapon. Parang aakapin muna ang garapon para buksan.”

“Ganiyan garapon sa tindahan namin,” wika ni Aires Corbito Menor. “Dati lagayan ng mayonnaise tapos ‘pag naubos na biscuit o kaya otap ang ilalagay saka ung tinapay na matigas, iyong gilid tengang daga ang tawag saka iyong tinapay na ang tawag ay baston.”

“May sari-sari store si Lolo noon, at naging tindero niya ako. May mga garapon siya na ang laman ay biscocho, belekoy, tira-tira, hopia, at iba pa,” pag-aalaala naman ni Rey De Leon.

Image captured from Facebook

Ikaw, ano-anong mga gunita ang ibinabalik sa iyo ng old school na garapong lalagyan ng mga tinapay sa tindahan noon?