ALAMIN: Patok na halaman sa mga plantito at plantita, may masamang dulot sa kalusugan

  • Itinampok sa programa ng GMA News TV ang ilang halaman na may masamang dulot sa kalusugan
  • Ayon sa isang plant researcher, mayroong ibang halaman na nagtataglay ng toxins na hindi mabuti sa katawan ng mga tao
  • Kabilang sa mga patok na halaman na mayroong toxins ay ang pothos na nakukuha sa katas nito 

Mabuti  man ang naidudulot ng pag-aalaga ng halaman lalo na ngayong panahon ng pandemya, mayroon din naman itong kaakibat na panganib na maaaring maibigay lalo na sa mga plantito at plantita.

Imahe mula sa video ng GMA Public Affairs via Facebook page

Sa programa ng GMA News na Alisto, itinampok nila ang tungkol sa masamang naidudulot sa kalusugan ng ilang halaman na patok ngayong inaalagaan. Ipinaliwanag ng isang eksperto kung ano ang masamang naidudulot ng ilang halaman.

Ayon sa plant researcher na si Kristiane de Villa, may ilang species ng halaman na nagtataglay ng “toxins“; isang uri ng toxic na maituturing na mapanganib lalo na sa kalusugan ng tao.

Ang toxins ay kabilang sa substances na nililikha ng mga halaman at ito ay parte ng kanilang natural na sistema upang maprotektahan ang kanilang mga sarili laban sa mga mapanirang insekto o hayop.

Imahe mula sa video ng GMA Public Affairs via Facebook page

Kapag umano may bahagi ng halaman na naputol o nadurog, humahalo ang mga toxins sa katas ng halaman at ito ang maaaring mahawakan ng mga tao. Ang patok na halaman na inaalagaan ngayon at nagtataglay din ng toxins ay ang pothos o kilala rin sa tawag na devil’s ivy.

Nagtataglay ang pothos ng raphides, isang uri ng calcium oxalate na isang uri naman ng toxin. Ayon kay Kristiane, ang mga toxins na ito ng pothos ay mas nakaiirita lalo na kapag nahawakan dahil para itong mga maliliit na karayom.

Imahe mula sa video ng GMA Public Affairs via Facebook page

Kapag nadikit ang raphides sa balat ng tao ay maaari itong mangati at mamula. At kapag ito naman ay dumampi sa bibig ay magdudulot ito ng matinding pananakit at pamamaga. Ani Kristiane, hindi naman umano maituturing na serious threat ang raphides sa tao at maaari itong agapan.

Kung sakaling madikitan ng katas ng halaman na may toxins sa balat, huwag umano itong kamutin; bagkus ay hugasan agad ito ng sabon sa running water o kaya ay buhusan ng maligamgam na tubig.

Mahalaga umano na ipaalam ang ganitong klaseng maidudulot ng halaman lalo na sa mga kapamilya at kaibigan na mga certified plantitos at plantitas.