ALAMIN: Mga lamok maaari bang maging carrier ng COVID-19?

  • Isa sa mga pangunahing impormasyon tungkol sa COVID-19 transmission ay naipapasa ito sa ibang tao sa pamamagitan ng water droplets mula sa talsik ng laway
  • Sa ginawang bagong pag-aaral mula sa ibang bansa, inalam nila kung maaaring maipasa ng mga lamok ang COVID-19 mula sa taong carrier ng virus papunta sa iba
  • Sa pag-aaral ay napag-alaman na hindi naipapasa ng lamok ang COVID-19

Simula nang magkaroon ng human-to-human transmission ng coronavirus dito sa bansa ay lubos na ang pagpapaalala ng Department of Health (DOH) tungkol sa pagsusuot ng face mask at pag-iwas sa mga taong bumabahing upang maiwasan ang maaaring pagkahawa sa COVID-19.

Imahe mula DOH

Isa kasi sa mga pangunahing impormasyon tungkol sa COVID-19 ay maaari itong maipasa ng carrier ng virus papunta sa ibang tao sa pamamagitan ng mga malilit na talsik ng laway (droplets) mula sa pagsasalita, pagbahing, o pag-ubo. Ang mga droplets na ito ay maaaring malanghap ng taong malapit sa isang taong positibo sa COVID-19.

Subalit bukod sa impormasyon na ito, marami na rin ang nagsilabasang iba pang kuro-kuro tungkol sa COVID-19 na hindi naman kumpirmado ng DOH. Kaya naman labis ang pagpapaalala ng DOH na maniwala lamang sa mga impormasyon na inilalabas nila at ng World Health Organization at iba pang maaasahang organisasyon.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTueb channel

Upang masagot ang ibang haka-haka tulad ng kung maaari bang maipasa ng mga lamok ang COVID-19 mula sa isang kumpirmadong kaso papunta sa isa pang tao na walang coronavirus, nagsagawa ng pag-aaral ang U.S. Department of Agriculture at Kansas State University.

Sa ginawang eksperimento,  ipinasipsip umano sa mga lamok at iba pang insektong nangangagat ang isang blood sample na may SARS-CoV-2. At lumabas nga na hindi nabuhay at nakapagparami ang virus sa lamok at iba pang insektong ginamit.

Kaya naman kinumpirma ng mga ahensya na hindi tulad ng mga ibang karamdaman na naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng mga lamok, hindi kayang maipasa ng lamok at iba pang insekto ang COVID-19 sa ibang tao.