Mga laruang sasakyan na gawa lamang mula sa basura, ibinida ng isang iskultor

  • Gamit lamang ang mga basura tulad ng plastic na kaniyang napulot sa kalsada, nakagawa ang isang overseas Filipino worker sa Malaysia ng mga sculpture designs
  • Ang obra na ito ng OFW ay mga maliliit na sasakyan tulad ng jeep, tricycle, truck, at iba pa
  • Bukod sa naipamamalas niya ang talento sa paggawa ng mga obra mula sa basura, nakatutulong din siya sa kalikasan

Nasubukan mo na bang pumunta sa mga art exhibits? Ano ang napansin mo sa mga obra na ibinebenta?

Imahe mula kay Rowel Naanep via Bayan Mo, Ipatrol Mo Facebook page

Marami mang mga obra tulad ng paintings at sculptures ang nagkakahalaga ng daang-daang libong piso, ito ay dahil ang mga ito ay nagmula sa natatanging talento at pagsisikap ng mga artist upang maipamalas ang kanilang sining.

Ngunit para sa isang Filipino artist, hindi lamang talento at mga simpleng kagamitan lamang ang puhunan upang makagawa ng nakabibighaning sining, kinakailangang ito rin ay nakatutulong sa kalikasan.

Ipinakita ng overseas Filipino worker at isa ring arkitekto at iskultor sa Malaysia na si Rowel Naanep ang kaniyang mga ginawang sculpture designs na nagmula lamang sa mga bagay na itinapon sa basurahan.

Imahe mula kay Rowel Naanep via Bayan Mo, Ipatrol Mo Facebook page

Tampok sa kaniyang mga obra ang miniature sculpture designs ng jeepney, tricycle, scooter, motorsiklo, at construction trucks na gawa lamang sa mga patapong plastic containers at lighters.

Tunay nga namang nakabibilib ang pagkakabuo ni Rowel sa mga miniature sculpture designs na ito kaya naman hindi na nakapagtataka na naitampok na ang kaniyang mga obra sa iba’t ibang art exhibits at prestihiyosong venue.

Imahe mula kay Rowel Naanep via Bayan Mo, Ipatrol Mo Facebook page

Kalimitan sa mga obra ni Rowel ay gawa sa sa mga bote ng fabric conditioner, car oil at iba pang plastic na basura. Nito lamang Disyembre 2019 nang magsimula siyang gumawa ng maliliit na sasakyan gamit ang mga lumang lighter, at hanggang ngayong mayroong pandemya au patuloy pa rin siya sa paggawa ng obra.

“Gusto ko sana ma introduce yung recycle kasi malaki potential. Imagine… mga plastic bottle n napupulot ko sa kalsada. Pintura lang ang puhunan, at talent, nagkahalaga na, nakatulong pa sa kalikasan,” ani ng Pinoy artist.