‘Kahit mahirap lang tayo, hindi namin kayo pababayaan’: Mag-asawa, 23 years nang nagre-rescue ng mga aso

  • Kilala ang Facebook page na Animal Rescue PH, isang independent volunteer animal rescuer, sa pagtulong sa mga aso at pusa na napabayaan na sa daan
  • Ang grupong ito ay binuo ng mag-asawa na mga informal settlers sa Tondo at maituturing na ‘isang kahig, isang tuka’
  • Ganito man ang sitwasyon ng mag-asawa, 23 taon na silang nagliligtas ng mga aso at pusa at ginagawa nila ang kanilang makakaya upang mapangalagaan ang mga ito

Mayroong mahigit 111,000 likes at nasa mahigit 114,000 ang followers ng Facebook page na Animal Rescue PH. Nakatuon ang non-profit organization na ito sa pag-rescue ng mga aso at pusa na napabayaan na lamang o pinagmalupitan ng mga tao.

Imahe mula sa Animal Rescue PH via Facebook

Bukod sa pag-rescue ay nagpapaampon din ang grupo sa mga Pinoy na nais mag-alaga ng aso o pusa. Sa dami ng kanilang naililigtas ay ikinuwento ng mag-asawang nagtatag ng grupo ang kanilang mga pinagdadaanang paghihirap lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.

Ang grupo ay inilunsad ng mag-asawang sina Luzviminda at Ritchelle, mga informal settlers sa Tondo. Kuwento ni Luzviminda, barong-barong lamang ang kanilang bahay ngunit hindi ito hadlang upang hindi sila makapag-alaga ng mga pinabayaang aso at pusa.

Imahe mula sa Animal Rescue PH via Facebook

“Bahay namin parang banyo lang ang laki. Pero sa dami ng kaawa-awang pusa at aso na pinapabayaan, minamaltrato at inaabandona, hindi namin kaya na magbulag-bulagan,” ani Luzviminda sa isang Facebook post.

Nasa 23 na taon na silang sumasagip at nag-aalaga ng mga aso at pusa.  At kahit umano mahirap ang buhay at sila ay isang kahig, isang tuka lamang ay hinding-hindi sila susuko sa pagtulong sa mga hayop.

Imahe mula sa Animal Rescue PH via Facebook

Dahil sa nangyaring pandemya ay umaasa sa mga tulong at donasyon ang pamilya at mga inaalagaang aso at pusa ng pamilya ni Luzviminda. “Sana sa ibang nag-aalaga,  alagaan n’yo ang mga aso o pusa n’yo. Lifetime Commitment yan, kami nga nakakaya namin, kayanin n’yo sana para sa kanila,” dagdag pa niya.

“Simple lang ang pangarap namin, ang mabigyan sila ng maayos na tahanan, mapakain at mapagamot sila at mapanatili silang healthy. Masaya ako nakikita silang maayos kahit mahirap lang kami.”