Mga unggoy sa Oslob, Cebu, makikita lang na nakatambay sa gilid ng kalsada

  • Maraming Pinoy ang nagulat at namangha nang may mamataang pakalat-kalat na ostrich at peacock sa Metro Manila
  • Sa ibang parte ng bansa ay sanay na ang mga residenteng makakita ng mga hayop sa daan, kabilang na ang Oslob sa Cebu
  • Sa gilid ng kalsada sa isang barangay sa Oslob, Cebu ay makakakita ng mga nakatambay na unggoy ngunit ang mga ito ay hindi maaaring hawakan

Isa ka rin ba sa mga namangha at natuwa nang may mga namataang ostrich kamakailan sa isang subdivision sa Quezon City? Ang mga ganitong klaseng pangyayari kasi ay bihira lamang na masaksihan lalo na sa lungsod ng Maynila.

Imahe mula DF Buzz

‘Jumanji’ ba? Dalawang ostrich na namataang tumatakbo sa isang subdivision, nahuli na

Ngunit kung ang mga taga lungsod ay manghang-mangha na sa mga ganitong klaseng pangyayari, para naman sa mga nasa probinsya ay pangkaraniwan lamang ang ganitong tagpo lalo na at malaya ang mga hayop na gumalaw doon.

Isa ang Oslob sa Cebu City sa mga tourist destination na kilala sa inaalok dito na whale shark watching. Ngunit noong nakaraang taon ay tinigil muna ang paglangoy kasama ng mga whale shark sa Oslob para na rin sa kapakanan ng mga ito.

Ngayon ay hindi na lang whale sharks ang maaaring dayuhin sa Oslob kundi may isang barangay na rin dito na matatagpuang pakalat-kalat lamang ang mga unggoy na animo’y nakatambay sa kalsada.

Imahe mula kay Minerva Gerodias via Facebook

Sa mga litrato na ibinahagi ni Minerva Gerodias, makikita ang mga unggoy sa Barangay Hagdan sa Oslob, Cebu na nakaupo lamang sa gilid ng railing sa kalsada.

Ayon sa ulat ng Balitang Bisdak ng GMA Regional TV, kalimitang lumalabas at makikita ang mga unggoy sa kalsada bandang tanghali at pakakainin na sila ng mga residente sa lugar.

Imahe mula kay Minerva Gerodias via Facebook

Palaging pinapakain ng mga residente ang mga unggoy at pinagbabawalan naman ang mga bisita o turista na hawakan ang mga ito.

Tuwing makakakita naman ng nakawalang hayop sa daan ay laging tandaan na huwag maging agresibo at tumawag agad ng mga awtoridad upang sila ang humuli at maiiwasang masaktan ang mga hayop.