Mga manggagawa, naglakad ng 18 kilometro para lang makarating sa kanilang trabaho sa unang araw ng MECQ

  • Isinailalim na ang buong Metro Manila at ilang kalapit na lungsod nito sa modified enhanced community quarantine (MECQ)
  • Hindi pinapayagan ang mga pampublikong transportasyon sa ilalim ng MECQ, kaya’t napilitan ang isang construction worker at security guard na maglakad ng halos 18 kilometro upang makarating sa trabaho
  • Bitbit pa ng construction worker ang kumot, bigas, pagkain at damit para makatipid sa gastos

Ayon na rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kay Pangulong Rodrigo Duterte, isinailalim sa mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at ang ibang kalapit lugar nito.

Imahe mula Philippine News Agency (PNA)

Sa ilalim ng MECQ ay hindi muna pinapayagan ang mga pampublikong transportasyon, kaya’t sa unang araw ng implementasyon nito ay maraming commuter ang nahirapang pumunta sa trabaho.

Isa na rito si Jayson Espineli, construction worker at single dad sa tatlong anak.

Alas dos pa lamang ng madaling araw ay nagsimula nang maglakad si Jayson mula Batasan Hills sa Quezon City upang makarating sa kaniyang trabaho sa Brixton, Pasig City—halos 18 kilometro ang layo.

Imahe mula Twitter

Ang kuwento na ito ni Jayson ay ibinalita ng ABS-CBN News team na nakakita sa kaniya sa kahabaan ng EDSA na hapo na dahil sa layo sa nilakad. Bukod kasi sa paglalakad nang malayo ay bitbit pa niya ang mga baon para sa dalawang linggong pag stay-in sa pinagtatrabahuan.

Buhat ni Jayson ang 4 na kilong bigas, mga pagkain, kumot, sabong panligo, mga damit at tubig sa kanyang paglalakbay. Nang tanungin kung bakit dala niya ang mga ito, “Lahat gagawin mo para makatipid para may mabigay naman ako sa mga anak ko,” aniya.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via Facebook

Matapos malaman ang kaniyang kuwento, tinulungan ng ABS-CBN News team si Jayson na kanilang pinasakay at inihatid hanggang Pasig.

Bukod kay Jayson ay naglakad rin ang security guard na si Lito Sulit simula alas tres ng madaling araw mula sa bahay sa Brgy. Payatas, Quezon City papunta sa trabaho sa G. Araneta Avenue sa parehong lungsod.

“Kailangan ko magtrabaho ngayong kahit walang masakyan maglalakad na lang ako para may mapakain sa mga anak ko,” ani Lito.