Magkakaibigan nakapagpatayo ng sari-sari store para sa ice drop vendor

  • Isang grupo ng magkakaibigan ang nag-isip ng paraan upang matulungan ang lolo na nagtitinda ng ice drop
  • Ang nasabing ice drop vendor ay nasa 20 taon nang nagtitinda at maski ngayong pandemya ay patuloy pa ring nagtitinda upang kumita
  • Sa pagtutulungan ng magkakaibigan, nakalikom sila ng P20,000 na ginamit upang makapagtayo ng mini sari-sari store para sa lolo

Estudyante pa lamang sila ay nakikita na at nagbibigay na ng tulong ang magkakaibigang sina Jam Costales, Steph, at Angel kay Tatay Mario Santos na nagtitinda ng ice drop.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Subalit dahil limitado lamang ang kanilang pera bilang estudyante, hindi sapat ang nabibigay na tulong ng magkakaibigan sa pangangailangan ng pamilya ni Tatay Mario.

Ayon sa ulat ng “24 Oras,” 20 taon nang nagtitinda ang 80-anyos na si Tatay Mario ng ice drop sa may Tayuman street malapit sa Divisoria. At kahit mayroong banta ng COVID-19 ay patuloy pa rin itong nagtitinda upang kumita.

At ngayong may pandemya ay muling nakita ni Jam si Tatay Mario. “Nung lumabas po ako once nakita po siya naglalako sa may Tayuman po. Ayun nakausap ko po siya ulit, nakumusta,” ani Jam.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube channel

Sa pagnanais na matulungang muli si Tatay Mario at ang kaniyang tatlong anak, bumuo sina Jam, Steph, at Angel ng Facebook page upang ibahagi ang kuwento ni Tatay Mario at humingi at lumikom ng pondo para mabigyan siya ng ibang pagkakakitaan.

Sa pagkakataong ito ay nakalikom ng mahigit P20,000 ang magkakaibigan na kanilang ginamit upang ipagpatayo ng mini sari-sari store para kay Tatay Mario. Bukod sa sari-sari store ay nakabili rin sila ng isang month na supply ng gamot ni tatay.

Imahe mula sa Small Act of Kindness Organization Facebook page

Ibinahagi ng Facebook page na Small Act of Kindness Organization ang mga naibigay na tulong para kay Tatay Mario.

“Marami pong salamat sa tulong nila. Makakapaghanapbuhay na po ako dito sa amin,” ani Tatay Mario. Balak naman ng magkakaibigan na makalikom ulit ng mas malaking pondo para kay tatay.

“Napakadami pong ways para¬† makatulong po tayo if gusto po talaga natin, may paraan po talaga,” ani Jam.