Lalaki gumamit ng alternatibong face shield na gawa sa takip ng plastic container at taling straw

  • Sa isang viral ngayon na litrato, makikita ang isang lalaki na nakasakay sa jeep at nakasuot ng face shield na makikitang gawa-gawa lamang
  • Ang alternatibong face shield na ito ay gawa sa tila plastic na panakip at nilagyan ng tali upang maisuot sa ulo
  • Wala pang 24 oras nang ito ay mai-post ay umani na kaagad ito ng mahigit 150k reactions mula sa netizens na humanga at nahabag sa may suot ng face shield

Bukod sa face mask ay kinakailangan na rin na magsuot ng face shield kapag lumalabas. Napatunayan na mataas ang tsansang hindi makakuha ng coronavirus kapag naka-face mask at face shield ang isang tao.

Imahe mula sa Philippine News Agency (PNA)

Kung sa iba ay magandang balita ang pagsusuot ng face mask at face shield dahil sa proteksyong ibinibigay nito, sa ibang Pinoy naman ay isa itong pasanin dahil ibig sabihin ng face shield ay panibagong gastos.

Una nang naiulat na karamihan sa mga pinakamahihirap na mga Pinoy ay hindi makabili ng sarili nilang face mask kaya isinusulong ng pamahalaan at iba’t ibang grupo ang pagbibigay ng face mask sa mahihirap na lugar sa bansa, lalo na sa Manila.

Ngunit hindi na lang ngayon face mask ang dapat libreng ipamahagi kundi pati na rin ang face shield na halos magkasing presyo o mas mahal pa sa face mask.

Imahe mula sa Philippine News Agency (PNA)

Sa viral na litrato ngayon na ibinahagi ng netizen na si Lea Latoreno sa ABS-CBN News Facebook page, makikita ang isang lalaki na nakasakay sa jeep at nakasuot ng gawa-gawa lamang na face shield.

Ang face shield na suot ng lalaki ay gawa lamang sa takip ng plastic container at may taling straw sa parehong gilid upang maisuot sa ulo. Ang litratong ito ay umani kaagad ng halos 150,ooo reactions mula sa netizens.

Imahe mula kay Lea Latoreno via ABS-CBN News

Kuwento ni Lea, hindi na niya nakuha ang pangalan at iba pang detalye mula sa lalaking nakasuot ng alternatibong face shield. Hanga naman ang uploader sa lalaki dahil sa pagiging mapamaraan nito para lamang makasunod sa health protocols.

Marami ring netizens ang humanga sa DIY face shield ng lalaki at nahabag na rin dahil wala itong tamang face shield na suot. Marami na ang nagtanong kung sino ang lalaki at nagsabing handa silang bigyan ito ng face shield.