Kuntento na sa 2 cellphone: Tatay na nag-viral dahil sa pag-barter ng alagang manok, inulan ng tulong

  • Kamakailan ay nag-viral ang post ng isang tatay na nagpa-barter ng mga alagang manok kapalit sana ng kahit 2nd-hand cellphone para sa online class ng mga anak
  • Matapos malaman ang kuwento ng tatay ay inulan sila ng tulong mula sa mga netizens na namigay ng gadgets, internet, at pera
  • Sa dami ng mga nais tumulong ay may mga tinanggihan na ang tatay dahil kuntento na siya sa natanggap ng pamilya

Nag-viral online ang kuwento ng isang tatay mula Naga City na nag-barter ng mga alagang manok kapalit ng cellphone na gagamitin umano ng kaniyang anak para sa darating na pasukan.

Imahe mula Virtual Pinoy

Father barters live chickens in exchange for gadgets for kids’ online classes

Naantig ang maraming netizen sa kuwento na ito ng 46 anyos na si Rommel Enriquez nang kaniyang i-barter ang tatlong alagang manok upang magkaroon ng kahit secondhand lang na cellphone ang anak.

Aminado si Tatay Rommel at kaniyang asawa na mahirap lamang ang kanilang buhay at hindi nila kaya ang gastusin para sa darating na blended learning at online education.

Matapos mag-viral ay agad na bumuhos ang tulong para sa pamilya ni Tatay Rommel mula sa netizens. Bukod sa iba’t ibang gadgets tulad ng tablet, laptop, cellphone at libreng internet upang magamit ng apat na magkakapatid ay mayroon ding nagpadala ng pera.

Imahe mula ABS-CBN News Facebook page

Ang mga pera na ipinadala ay gagamitin umano upang ipambili ng plastic envelops na ibibigay ni Tatay Rommel sa paaralan para may lalagyan ng modules ang mga estudyante.

Sa dami ng mga nagbigay at nais magbigay ng tulong ay mayroon na umanong mga tinanggihan si Tatay Rommel dahil kuntento na siya sa mga tulong na natanggap ng kaniyang pamilya.

Imahe mula Virtual Pinoy

“Maraming salamat. Sa hirap po kasi ng buhay, ngayon lang naming naranasan na may magbigay ng tulong na ganon kadami. Salamat po,” ani Tatay Rommel.

Pagbebenta at pag-aalaga ng mga kuneho ang pinagkakakitaan ngayon ni Tatay Rommel habang tindera ng prutas ang kaniyang misis.