Isang pamilya sa Cavite, nakatipid sa kuryente dahil sa paggamit ng solar power

  • Tumaas ang bill sa kuryente ng maraming Pinoy dahil sa ipinatupad na lockdown at napilitan ang lahat na manatili sa loob ng kanilang bahay
  • Isang pamilya ang nakaisip ng paraan upang makatipid sa bill ng kuryente sa pamamagitan ng paggamit ng solar power
  • Gumastos ang pamilya ng nasa P80k para sa solar power

Isa ka rin ba sa mga napakamot na lamang sa ulo nang makita ang bill ninyo sa kuryente mula noong Marso hanggang ngayong buwan?

Imahe mula kay Jaime Mayuga via Facebook

Dumagdag sa isipan ng maraming Pinoy ang malaking bayarin nila sa kuryente dahil sa biglang pagtaas ng kanilang bill simula nang ipatupad ang lockdown noong Marso.

Maraming Pinoy ang nanatili lamang sa loob ng kanilang bahay na nagresulta sa pagtaas ng bill sa kuryente at tubig. Sa social media pa lamang ay marami na ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya dahil sa hindi makatarungang pagtaas ng kanilang bill.

Dahil dito, isang pamilya sa Dasmariñas, Cavite ang nag-isip ng paraan upang makatipid sa kanilang kuryente⁠—nang hindi nililimitahan ang kanilang paggamit ng mga appliances sa loob ng bahay.

Imahe mula kay Jaime Mayuga via Facebook

Nakatipid ng hanggang 70 porsiyento ang pamilya ng negosyanteng si Jaime Mayuga dahil sa paggamit nila ng solar power sa kanilang bahay.

Kada buwan ay tinatayang nasa P5,000 ang bill sa kuryente nila Jaime lalo na at lahat ng miyembro ng kaniyang pamilya ay nasa loob ng bahay. Kaya naman naisipan niyang pag-aralan ang solar power.

Ang solar power ay isang uri ng teknolohiya na nagko-convert ng enerhiya mula sa araw upang ito ay maging kuryente. At dahil sa ganda ng ganitong teknolohiya ay ito ay may kamahalan.

Imahe mula kay Jaime Mayuga via Facebook

Gumastos si Jaime ng nasa P80,000 para sa setup ng solar power sa taas ng kanilang bubong na siya mismo ang nagkabit batay sa kaniyang napanood na tutorial sa YouTube.

Ayon sa negosyante, malaki man ang kaniyang nagastos sa solar panel ay malaki rin naman ang kaniyang matitipid sa kanilang kuryente ⁠ —lalo na at ito ay pang matagalan.

“Bale unlimited na ngayon ang gamit ko ng aircon. Dati 2 oras lang eh ngayon halos 24 hours na. Malaki ang natipid ko,” ani Jaime.

Samantala, tinugon naman ni Jaime ang maraming katanungan sa kanyang Facebook account.