Ginang na stranded sa isang port, nanganak sa loob ng jeep na kasalukuyang tinutuluyan ng kaniyang pamilya

  • Isang babae ang naabutan na ng panganganak sa jeep na kanilang tinutuluyan dahil pinaalis sila sa nirerentahang bahay matapos silang hindi makapagbayad
  • Kasama ng babae ang pamilya na na-stranded sa isang port sa paghahangad nilang makauwi na sa probinsya
  • Hindi tinanggap sa mga kalapit na hospital ang babae kaya naman sa loob na lang ito ng kanilang jeep nanganak

Sa paghahangad na makauwi sa kanilang probinsya sa Oriental Mindoro, na-stranded ang pamilya ng jeepney driver na si Pedro Palustre Jr. at ang misis niyang si Madelyn.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube channel

Stranded ang pamilya ni Mang Pedro sa labas ng Batangas port dahil wala silang dalang travel authority at medical certificate.

Kasalukuyang nakatira sa jeep ang buong pamilya ni Mang Pedro at dala nila ang lahat ng gamit kaya siksikan sa loob nito. Pinaalis sila sa inuupahang bahay sa Biñan City, Laguna dahil wala na umanong pambayad ng renta.

Apat na buwan nang walang biyahe si Mang Pedro dahil sa lockdown kaya nais na nila ng kaniyang pamilya na makauwi sa kanilang probinsya.

Ngunit hindi lang si Mang Pedro ang gusto nang makauwi sa probinsya kundi maski ang kaniyang anak na nasa sinapupunan pa ni Madelyn ay tila nais na ring makauwi na sila. Inabutan na si Madelyn ng panganganak sa loob ng jeepney na kanilang tinutuluyan.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube channel

Kuwento ni Madelyn, puno na umano ang ospital na kanilang pinuntahan.

“Noong pumunta kami sa ospital sa region, puno na daw, naghanap kami ng lying-in [clinic], wala po kaming makita kaya sa jeep na ako inabot,” kuwento ni Madelyn sa ABS-CBN News.

Dahil mayroong sanggol, balak munang makituloy ng pamilya ni Mang Pedro sa kaniyang kapatid sa Batangas habang hinihintay kung kailan sila maaaring makabiyahe.

Ngunit nakasaad sa alituntunin na hindi pa rin papayagang makatawid ang pamilya lalo at galing sila sa lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine — kahit pa may dala silang travel authority at certificate.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube channel

 

“Kung kayo po ay manggagaling ng Laguna, Cavite, NCR (National Capital Region), Bulacan, Rizal, huwag na muna po kayong bibiyahe,” sabi ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor.

Pinapayagan naman ang pagbiyahe ng mga locally stranded individual na galing sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ, pero kailangan munang hintayin ang confirmation text o email.