Bahaoke: Paglusong sa baha habang kumakanta, patok sa netizens

  • Sa isang bayan sa Negros Occidental, mababago ang pagtingin mo sa baha kapag narinig mo na ang malamig na tinig ng isa sa mga residente doon
  • Hindi niya alintana ang paglusong sa baha mahatiran lamang ng ngiti ang kanyang mga kabarangay
  • Ayon sa kaniya, ito ang kanyang paraan upang makapaghatid ng good vibes sa gitna ng pandemya

Kapag naririnig natin ang salitang baha, hindi ba mas madalas na maisip natin ay mga negatibong bagay kagaya ng mga nasirang pananim, lumubog na mga ari-arian, sari-saring mga sakit na maaaring makuha mula sa tubig, o kung hindi naman ay madalas natin itong maiugnay sa masamang panahon. Pero, sa isang bayan sa Negros Occidental, mababago ang pagtingin mo sa baha kapag narinig mo na ang malamig na tinig ng isang sa mga residente doon.

Habang ang iba ay abala sa pag-aayos ng kanilang mga bakuran dahil sa baha, ang isang residente naman ay umikot sa kanilang lugar upang haranahin ang kanyang mga kabarangay. Siya ay si Romel Rosales na mula sa Sitio Culo, Brgy. Tagda, Hinigaran, Negros Occidental.

Image via Facebook| Romel S Rosales

Bihis na bihis with matching coat and tie ang pangmalakasang outfit ni Romel habang hinaharana niya ang kanyang mga kabarangay. Bitbit naman ng kanyang supportive na kaibigan ang speaker kung saan nakakonekta ang gamit niyang mic para siguradong madidinig ng lahat ang kanyang kanta.

Tinawag nila ito na “bahaoke challenge” dahil hindi alintana ni Romel ang paglusong sa baha mahatidan lamangt ng ngiti ang mga taong nakakarinig at nakakapanood sa kanya.

Image via Facebook| Romel S Rosales

Ayon sa post ni Romel, ang kanyang ginawa ay para makapagdulot ng saya at maghatid ng good vibes sa gitna ng pandemya.

This is my way to give joy and information to everybody to stay safe and don’t be afraid in COVID-19 but just be positive and happy… I want to inspire others to be stronger every day… this is also for a cause sana… Tulong para sa mga nasa quarantine facilities namin dito… They need support from us,” pahayag ni Romel.

Sa panahong sinusubok ang katatagan ng bawat isa, maituturing na biyaya ang pagkakaroon ng positibong pananaw at pagkakaroon ng malasakit sa kapwa. Simple mang maituturing ang pamamaraan ni Romel, malaking tulong pa rin ito upang makapaghatid ng ngiti at liwanag ng pag-asa.

Narito ang kanyang video: