‘Aral lang nang aral’: Neri Naig natanggap sa Harvard Business School online course

  • Sa kaniyang Instagram account ay ibinahagi ng aktres na si Neri Naig ang isang panibagong landas na kaniyang tatahakin
  • Kamakailan ay natanggap kasi si Neri sa online course ng Ivy League school Harvard Business School
  • Aniya, kailangang araw-araw ay mayroon tayong nakikitang paraan upang mas lalong matuto at mag-invest sa sarili

Walang pinipiling edad, trabaho, o antas sa buhay ang pagkatuto. Lahat ng tao—gaano man ito kagaling at katalino—ay patuloy pa ring natututo sa mga bagay-bagay.

Imahe mula kay Neri Naig via Instagram

At ngayong nagkaroon ng lockdown at napilitan ang marami sa atin na manatili lang sa loob ng bahay ay ginamit naman ng ilang Pinoy na paraan ito upang makapag-aral dahil na rin sa dami ng nag-alok ng libreng online courses.

Isa ang aktres na si Neri Naig sa mga naisipang gawing makabuluhan at produktibo ang sarili sa pamamagitan ng pag-enroll sa online course. Ngunit hindi ito basta-basta online course dahil mula ito sa prestihiyosong Ivy League school.

Sa kaniyang Instagram account ay ibinahagi ng aktes na si Neri ang kaniyang tuwa nang siya’y matanggap sa Harvard Business School online course. Ibinahagi niya ang screenshot ng kaniyang course verification form na sinamahan niya ng makabuluhang mensahe.

Imahe mula kay Neri Naig via Instagram

Ayon sa aktres, ang kaniyang kinuhang course ay hindi libre kundi malaki ang babayaran dahil isa ang Harvard sa Ivy League schools.

“Magbabayad ka para sumakit ang ulo mo, haha! Pero ‘di ba ginusto mo ‘yan?” ani Neri sa kaniyang caption na ang tinutukoy ay ang pagkakatanggap sa online course.

“Nakakaproud dahil kapag may ginusto ako, gumagawa talaga ako ng paraan. Walang excuses dapat. Paano ko malalaman kung para sa akin kung hindi ko susubukan, di ba?” sabi pa niya sa caption.

Imahe mula kay Neri Naig via Instagram

Ayon pa kay Neri, dapat ay araw-araw naghahanap ng paraan upang mas lalong matuto at mag-invest sa pagpapabuti sa sarili. “Tandaan, hindi pa huli ang lahat. Kahit anong edad mo pa,” ang huling mensahe ng aktres.

Tunay nga namang mahalaga na palagi nating isipin ang mapabuti ang ating mga sarili at magamit nang produktibo at makabuluhan ang  bawat oras at araw.