Libreng drive-thru COVID-19 testing center ng Manila City gov’t, binuksan na

  • Inilunsad kamakailan ng Manila City local government ang kanilang sariling drive-thru testing center sa Lawton, Manila
  • Gagamitin sa testing center na ito ang kakabili lang na COVID-19 serology testing machines ng local government na tatanggap ng kahit na sinong nakasakay sa apat, tatlo, o dalawang gulong na vehicle
  • Libre lang ang COVID-19 drive-thru testing na ito na bukas mula 8 AM hanggang 5 PM, Lunes hanggang Biyernes

Sa pagdaan ng mga buwan ng pakikibaka ng ating bansa sa COVID-19 pandemic, mas dumarami na ang quarantine facility, testing kits, at testing centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Imahe mula kay K R De Asis/MPIO via Isko Moreno Domagoso Facebook page

Bukas na sa publiko ang pagsasailalim sa COVID-19 test sa maraming lugar sa pamamagitan ng rapid testing at swab testing. Bukod sa mabilis na ang pagkuha ng resulta, mas mura na rin ito kumpara noong mga unang buwan ng pandemya.

Dumagdag sa dumaraming drive-thru COVID-19 testing ang bagong inilunsad ng Manila City local government na “Drive Thru testing area for COVID-19.”

Naunang nagkaroon ng drive-thru COVID-19 testing  sa lungsod ng Taguig at Antipolo. Ang pinakabago ay inilunsad ng  The Medical City (TMC) sa Pasig.

Imahe mula kay K R De Asis/MPIO via Isko Moreno Domagoso Facebook page

Ibinahagi ni Manila City Mayor Isko Moreno sa kaniyang Facebook page ang anunsyo tungkol sa pagbubukas ng drive-thru COVID-19 testing na matatagpunan sa Bonifacio Monument sa Lawton, Manila.

Ang testing center na ito ay gagamit ng pinakabagong bili na COVID-19 serology testing machines. Ito ay libre at bukas sa sinumang nakasakay sa kahit na anong sasakyan.

“Lahat po ng may apat na gulong, tatlong gulong (motorized o non-motorized), at dalawang gulong (motorized o non-motorized) ay pwede po,” ani Mayor Isko sa kaniyang Facebook page.

Imahe mula kay K R De Asis/MPIO via Isko Moreno Domagoso Facebook page

Bukas ang testing center na ito mula 8 AM hanggang 5 PM Lunes hanggang Biyernes. Ang mga nais na magpa-test ay magdadala lamang ng government ID.

“Mga kapwa kong Batang Maynila, hindi po kami titigil ni Vice Mayor Honey Lacuna na makahanap ng paraan na mabigyan kayong lahat ng kapanatagan. Hindi po kami titigil na mahanap at masugpo po ang COVID19,” ani Manila City mayor.