Lalaking nagka-COVID-19, nakatanggap ng tulong mula sa mga kapitbahay

  • Sa isang Facebook post, ibinahagi ng isang lalaki na nagpositibo sa COVID-19 ang ginawa sa kaniya ng mga kabitbahay
  • Ang lalaki kasing ito ay binigyan ng kaniyang mga kapitbahay ng mga pagkain, face mask, at iba pang bagay na makatutulong sa kaniya at kaniyang pamilya
  • Kahit nasa limang buwan pa lang sila sa inuupahang bahay, hindi nagdalawang-isip ang kanilang mga kapitbahay na tulungan sila sa gitna ng pandemya

Kalimitan sa mga taong nagpositibo sa coronavirus ay ina-isolate sa quarantine facility o ‘di kaya ay namamalagi sa mga ospital. Ang ilan sa kanila ay nakararamdam ng diskriminasyon mula sa mga taong nakapaligid sa kanila lalo na sa kanilang lugar.

Contributed photos via Facebook

Ngunit ganito man ang nararanasan ng mga nagpositibong kaso ng COVID-19, mayroon pa ring ibang tao na imbes na panghuhusga ay tulong ang kanilang ibinibigay para sa kapuwa na may labis na pinagdaraanan dahil sa virus.

Isang halimbawa na rito ay ang kuwento ng isang lalaki mula Valenzuela na nagbahagi ng kaniyang karanasan tungkol sa mga kapitbahay. Ang lalaki kasi na ito ay nagpositibo sa COVID-19.

Sa Facebook post, ibinahagi ng nasabing lalaki ang natanggap niya at ng kaniyang pamilya na magandang pakikitungo mula sa kanilang mga kapitbahay. Ang mga kapitbahay kasi ay nagbigay ng relief goods sa pamilya ng lalaking nagpositibo sa coronavirus.

Contributed photos via Facebook

Kabilang sa mga binigay ay mga frozen goods, prutas, lutong pagkain, karne, isda, tubig, tinapay, vitamins, face mask, at marami pang iba. Kalakip din ng mga relief goods na ito ay sulat na nagsabing “Be strong! Have faith in God, everything will be okay” at nilagdaan ng “your neighbor.”

“I am fighting against COVID-19 right now by the way. Naka home quarantine lang ako. Self-isolate with my 14-year-old sister and my 15 weeks pregnant wife,” ani ng lalaki.

Naka-schedule na rin siya na madala sa isang isolation facility sa Valenzuela City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).