Street sweeper sa Marikina City, isinauli ang nakuhang P8,000 na cash aid

  • Viral ngayon sa social media ang isang street sweeper na nagsauli ng kanyang natanggap na cash aid mula sa gobyerno
  • Ayon sa lalaki, isinauli niya ito dahil may iba pang mas nangangailangan ng naturang ayuda
  • Hinangaan naman ng ilang netizens ang munting kabutihan na ipinamalas ng lalaki

Ngayong nakararanas ng matinding krisis ang mga Pilipino dahil sa COVID-19, malaking ginhawa na kapag nakaririnig tayo ng mga balita tungkol sa pagbabayanihan at pagmamalasakit. Gaano man kasi ka-simple ang mga bagay na ito, nakapagdadala pa rin ng pag-asa at saya ang munting kabutihan na ginagawa ng ating kapwa.

Imahe mula sa Facebook | GMA News

Halimbawa na lamang ang street sweeper sa Marikina City na nag-viral sa social media matapos magsauli ng natanggap na P8,000 cash aid mula sa gobyerno. Ayon sa lalaki na kinilalang si Arturo Pantas, may iba pang mas nangangailangan ng naturang ayuda.

“Meron pa pong mas nangangailangan na talaga pong nagugutom,” saad ni Arturo sa isang report ng 24 Oras.

Dagdag pa niya, hindi naman daw siya nawalan ng trabaho sa kabila ng pag-iral ng enhanced community quarantine kaya mas minabuti niyang ibigay ang pera sa iba pang mas naapektuhan ng COVID-19 crisis.

“Hindi po katulad namin, tuloy tuloy po ang trabaho namin, sumasahod po kami. Kahit papaano, may pinambibili pa po kami,” sabi ni Arturo.

Imahe mula sa Facebook | GMA News

Hinangaan naman agad ng ilang netizens ang kuwento ni Arturo matapos itong mapanood at makita sa Facebook. Sa katunayan, umabot na nga sa mahigit 39,500 reactions at 3,600 shares ang post ng GMA News tungkol dito.

“May mabubuting tao pa talaga kahit nahaharap tayo sa pandemya. Pagpalain po kayo ng Maykapal, Siya na po ang gaganti sa kabutihan niyo po. Inisip niyo po ang kapwa niyong wala talaga, sana naman maging ehemplo po kayo ng karamihan lalo na po ang may kakayanan namang pinansyal,” pahayag ni Jam Jai Yan sa isang comment.

Tunay nga, may mga mabubuting tao pa rin na magbibigay ng ngiti sa atin sa kabila ng krisis na ito. Mabuhay ka po, Manong Arturo!