Simpleng mga ulam, ginawang pang-world class cuisine ng isang Pinoy chef

  • Sarado ngayon ang mga restaurant o fast food chain na karaniwang kinakainan nating mga Pinoy, kaya naman napipilitan tayong magluto ng ulam sa bahay
  • Ngunit isang Pinoy chef ang naisipang gawan ng “twist” ang mga simpleng ulam na kaniyang niluluto sa kanilang bahay
  • Ang mga simpleng ulam na ito ay nagmukhang pang-world class cuisine dahil sa ganda ng pagkakaayos sa plato at hitsura ng mga ito

Ano-anong pagkain ang paulit-uli mo na lang kinakain simula noong nag-umpisa ang community quarantine? Sardinas? Noodles? Pancit Canton? Iba’t ibang luto ng itlog? Pulang itlog at kamatis?

Imahe mula kay Allan Troy Banaag Abellera via Facebook

Dahil sarado ang mga kalimitang pinupuntahan nating kainan o fast food restaurant, at limitado lamang ang maaaring mapa-deliver via mobile app, napipilitan na lang ang iba sa atin na mag-ulam ng mga de lata tulad ng sardinas.

Habang ang iba naman ay sinusubukang magluto kahit ng mga simpleng putahe lamang mula sa limitadong sangkap mula relief goods o hanggang sa maaari muli silang pumunta sa palengke o grocery upang bumili ng mga pagkain.

Imahe mula kay Allan Troy Banaag Abellera via Facebook

Ngunit isang Pinoy chef ang naisipang gawan ng “twist” ang mga simpleng Pinoy na ulam upang magmukhang mamahalin o “world class cuisine” ang mga ito. Ibinahagi niya ang litrato ng mga ito sa kaniyang Facebook account.

Ang nasabing kusinero ay si Allan Troy Banaag Abellera, mula Taguig at nagtrabaho sa ibang bansa bilang chef. Ilan sa mga niluto niyang pangmukhang “sosyal” na mga ulam ay ang  adobong sitaw, embutido, mga panghimagas na candies na kinahihiligan nating mga Pinoy, pork chop, sardinas, pritong tilapia at marami pang iba!

Imahe mula kay Allan Troy Banaag Abellera via Facebook

Makikita ang mga litrato ng kaniyang “world class cuisine” na mga ulam sa kaniyang Facebook account. At marami na nga ang napamangha sa talento at skill ng Pinoy chef na ito dahil sa pagbibigay ng kakaibang hitsura sa mga simpleng ulam.

Ayon kay Allan, nag-umpisa siyang lumikha ng kakaibang food trip nang magsimula ang lockdown. Karamihan din sa mga sangkap ng kaniyang luto ay mula sa mga relief goods na ipinamimigay ng kanilang barangay officials. Tunay ngang kamangha-mangha ang diskarte, talento, at pagkamalikhain ng mga Pinoy!

Click images to visit his artwork