Grupo ng hairstylists nagsagawa ng libreng gupit sa mga frontliners

  • Sa pagpapatupad ng quarantine ay ipinasara ang mga negosyo tulad ng mga salon at barberya upang maisakatuparan na rin ang social distancing
  • Dahil dito, maraming Pinoy ang naggugupit na lang sa kanilang mga sarili, o ‘di kaya ay hinahayaan na lang ang pagtubo ng buhok
  • Ngunit ilang hairstylists ang naghatid ng libreng gupit para sa magigiting na frontliners

Kating-kati ka na bang lumabas at makapasyal sa mga lugar na nais mo nang puntahan pagkatapos ng quarantine? O ‘di kaya ay unang-una mong pupuntahan ang salon o barberya upang magpagupit ng humaba mo nang buhok sa tagal ng quarantine?

Imahe mula GMA News Public Affairs via YouTube channel

Dahil sarado rin ang mga negosyo tulad ng salon at barbershop, maraming mga Pinoy ngayon ang hinahayaan na lamang ang paghaba ng buhok. Habang ang iba naman ay sinusubukan na lamang gupitan ang sarili o ng kapamilya.

Marami din namang mga hairstylist o barbero ang nawalan ng trabaho sa umpisa ng quarantine. Ngunit para sa isang grupo, hindi ito hadlang upang hindi sila maghatid ng serbisyo sa mga magigiting na frontliners sa gitna ng COVID-19.

Sa ulat ng GMA Network, itinampok nila ang grupo sa likod ng pagbibigay ng libreng gupit para sa ilang medical frontliners sa Quezon City. Ang ulat na ito ay inilabas sa programang Stand for Truth ng GMA.

Imahe mula GMA News Public Affairs via YouTube channel

Ayon sa ulat, ang mga hairstylists na ito ay nawalan ng trabaho simula nang ipatupad ang community quarantine. Ngunit dahil sa ilang organizers ng proyekto, nakatulong sa maliit na paraan ang mga barbero tulad ni Icho Ilagan, na pitong taon nang nanggugupit.

“Masaya po kahit sa maliit na kaparaanan namin bilang isang stylist, nakatulong kami kahit papaano,” ani Icho. Ayon din sa kaniya, binigyan sila ng allowance para sa volunteer work. Bukod sa allowance, libre din ang kanilang shuttle service papunta sa hospital kung saan nila mismong ginugupitan ang frontliners.

Imahe mula GMA News Public Affairs via YouTube channel

At upang masiguro din ang kanilang proteksyon, mahigpit na sinusunod nila ang protocol habang nakasuot ng personal protective equipment o PPE sa paggugupit sa mga frontliners. Mahigpit din ang pagpapatupad ng physical distancing at dini-disinfect kaagad ang mga ginamit sa paggupit kada tao.

Bukod sa proper protection ng mga hairstylist, mayroon din silang proper permits na ibinigay ng mga hospital kung saan sila naggugupit ng mga frontliners. Kudos sa inyong matapang na serbisyo!

Panoorin ang video dito: