Prototype testing booth na gagamitin sa mass testing, sinubukan na

  • Upang makapag-test ng maraming Pinoy kung may COVID-19, gumawa ang Mapua University, Department of Science and Technology at USHER Technologies ng swab test booth
  • Ang mga prototype ng testing booth na ito ay sinubukan na kamakailan sa QC
  • Sa imbensyon na ito, aasahang marami nang Pinoy ang mati-test at mapaDadali nito ang mass testing operation

Kamakailan, sinubukan na sa lungsod ng Quezon City General Hospital ang prototype ng swab testing booth na nilikha ng Mapua University, Department of Science and Technology. at USHER Technologies. Ang mga testing booth na ito ay naglalayong kumuha ng specimen mula sa mga Pinoy na gagamitin sa pagtukoy kung positive o negative ang isang tao sa COVID-19.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via Facebook

Ang disenyo umano ng mga testing booth na ito ay hinango sa South Korean testing booths kung saan ay pinoprotektahan nito ang mga frontliners habang sinasagawa ang pagkuha ng specimen ng isang tao.

Ang mga uunahin na kuhanan ng specimen ay iyong mga may sintomas at nagkaroon ng kontak sa mga positive cases. Ang mga booth ay gagamitin sa pilot community testing sa QC. Habang ang mga nakuhang sample ay ipadadala at susuriin sa laboratoryo ng Philippine Red Cross.

Imahe mula sa School of Civil, Environmental and Geological Engineering, Mapúa University

Ayon sa ulat ng 24 Oras ng GMA News, mainam umano ang mga negative-pressure booth na ito upang mas lalong maprotektahan ang mga health worker na kukuha ng swab test. Makakatulong din umano ito upang hindi na gumamit pa ng personal protective equipment (PPE).

“Mahalaga ang negative-pressure booth dahil pinipigilan nitong lumabas ang hangin na posibleng makontamina ng coronavirus droplets,” ayon sa balita. Ang mga testing booth na ito ay may nakalabas na mga biochemical gloves na siyang isusuot ng mga frontliner habang kukuha ng specimen.

School of Civil, Environmental and Geological Engineering, Mapúa University

Sa kada test na gagawin, idi-disinfect umano ang mga nagamit na bahagi ng testing booth na malaking bagay para sa kaligtasan ng mga health worker laban sa virus. Nag-umpisa na rin sanayin ng Philippine Red Cross at Quezon City Epidemiology and Surveillance unit ang mga health workers na gagamit ng mga nasabing swab booths.

Simula noong mga nakaraang linggo, umabot na sa 20 hanggang 35 na pasyente na ang naite-test ng swab testing booth. Malaking bagay ito upang mapabilis ang pagsasagawa ng mass testing na hinihiling na ng maraming Pinoy.