Masikap na tricycle driver ginamit ang nakuhang cash aid at nagtayo ng barbecue stall upang may kita araw-araw

  • Ginamit ng isang tricycle driver mula sa Quezon City ang kanyang nakuhang cash aid mula sa gobyerno para magtayo ng maliit na barbecue stall
  • Hindi naman naging kahina-hinayang ang desisyong ito lalo na’t kasalukuyang pumapalo sa 1,200 pesos kada araw ang kanyang kita
  • Marami ring netizen ang humanga sa pagiging wais ng tricycle driver at humiling na sana ay maging magandang ehemplo siya sa iba pang mga Pinoy

Ngayong panahon ng COVID-19, marami sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng kaunting tulong upang makaraos sa pang araw-araw na gastusin sa bahay. Nangunguna na rito ang ating pangangailangan na makakain nang tatlong beses kada araw.

Dahil dito, agad na tumugon ang gobyerno para masolusyonan ang hiling ng masa sa pamamagitan ng pamimigay ng cash aid. Isa sa mga nakatanggap ng 2,000 pesos na halaga ng ayuda ay ang tricycle driver na si Samad Maulana.

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN News

Ayon sa report ng ABS-CBN News, si Samad ay nakatira sa Barangay Culiat, Quezon City ngunit dahil pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng lahat ng mga pampublikong transportasyon, hindi siya makapasada at makapagtrabaho.

Kaya naman naisipan ni Samad na gamiting puhunan ang nakuhang ayuda para magtayo ng isang maliit na barbecue stall. At salamat sa desisyong ito, kumikita siya ngayon ng 1,200 pesos kada araw!

Matapos mag-viral ang kanyang kuwento, hindi napigilan ng mga netizens na humanga sa pagiging wais ni Samad. Sabi nga nila, sana raw lahat ay katulad niya na ginagamit sa maayos na paraan ang nakukuhang ayuda.

Imahe mula sa Facebook | ABS-CBN News

“Sana kasi lahat ng nakakatanggap ng ayuda ganito mag-isip. Eh ‘di hindi sana nakakasama ng loob ‘yung pinupuntahan ng taxes ko. Good job kuya! More blessings to you,” pahayag ng netizen na si Kathleen.

“Yan ang nga taong dapat tulungan. Naghihintay lang na may tutulong sa kanila para ipakita sa lahat na kaya din nilang tulungan ang kanilang sarili basta mabigyan lang ng pagkakataon. God bless po kuya. Pagpatuloy [mo] lang po ang pagsisikap,” komento naman ni Teresa Rodriguez.

Kasalukuyan namang umabot sa mahigit 24,000 ang bilang ng shares ng viral post. Nasa mahigit 194,000 na rin ang reactions nito.