Ginawa mo rin ba ang design na ito sa mga papel o notebook mo habang nag-aaral?

  • Maraming kakatwang alaala ang hatid sa mga Pinoy noong panahon na estudyante pa lang sila at nag-aaral
  • Kabilang na marahil dito ang pagsusulat o pagguhit ng kung ano-ano sa papel tuwing nakikinig sa guro o kaya naman ay bakante ang oras
  • Sa isang Facebook post, sinariwa ng netizen ang design na karaniwang iginuguhit umano sa papel ng mga estudyante

Ano ang mga alaala mo noong estudyante ka pa lamang?

Marahil maraming magaganda at hindi magagandang alaala ang hatid ng panahon noong nag-aaral ka pa lamang. Pero tiyak na ang mga alaala at karanasan na ito ay tumulong sa iyo upang marating kung nasaan ka man ngayon.

Imahe mula Freepik

Ngunit bukod sa mga karanasan, marami ring mga kakatwang bagay ang ating ginawa o sinubukan habang nag-aaral. Isa na marahil sa mga ito ay ang pagsusulat o pagguhit sa papel o notebook habang nakikinig sa guro o tuwing vacant time.

Marami ang maaaring magawa sa isang papel: maaaring maglaro dito, magkaroon ng katuwaan, o di kaya ay sanayin ang pagkamalikhain. Sa Facebook page na We are 90’s (Kami ang Batang 90’s), ibinahagi ng isang netizen sa post ang disenyo sa papel na malamang ay malimit umanong iguhit ng bawat estudyante sa kanilang papel o notebook.

Imahe mula Freepik

Ang disenyo na ito ay mistulang “divider” upang hindi magsama-sama ang isinusulat na bawat aralin sa papel. Imbes na isang mahabang linya, ang divider na ito ay binubuo ng disenyong mga tila nakahigang letrang “S” at bilog “O.”

Nilagyan ito ng uploader na si Eric Estrecho ng caption na: Isa ka din ba sa naglalagay ng ganitong design nung elem ka, para di malito kung ano anong mga subject nakasulat sa notebook mo. Marami namang netizen ang naka-relate sa post na ito ni Eric at umani ito ng mahigit 8k reactions at 25k shares.

Imahe mula Facebook

Sarap naman balikan yung dati,” Madami pang ibang design gawa namin dati dyan,” “Hanggang high school ginawa ko yan hahaha,” “Iba’t ibang linya meron dyan ang nagawa ko.”

Ikaw ba? Naaalala mo rin bang ginawa ang disenyong ito sa iyong papel o notebook? Ano pang mga alaala ng iyong pagiging estudyante ang hinding-hindi mo malilimutan?