COVID-19 test kits ng UP, handa nang gamitin para sa mass testing

  • Kamakailan, inihayag na ang COVID-19 testing kit na gawa ng mga University of the Philippines scientists ay pasado na sa “field validation”
  • Ang ibig sabihin nito, maaari nang ilabas at gamitin ang mga kits, lalo na para sa mass testing ng publiko
  • Ang mga test kits ng gawa ng UP ay mas mura kumpara sa banyagang kits at mabilis din ang paglabas nito ng resulta

Dahil mula pa sa ibang bansa ang testing kits para malaman kung ang isang tao ay may COVID-19, limitatdo lamang ang mga testing kits dito sa bansa. Bilang tugon, isa ang University of the Philippines sa mga nag-develop ng COVID-19 testing kits na gawa mismo dito sa bansa.

Imahe mula Freepik

Kamakailan, inaprubahan ng  Food and Drug Administration Philippines (FDA) ang paggawa ng UP ng test kits para labanan ang coronavirus dito sa bansa. Ang mga testing kits kasi na ginagamit sa kasalukuyan ay mula pa sa ibang bansa at may kamahalan ang presyo. Maglalabas ang FDA ng Certificate of Product Registration (CPR) para sa GenAmplify™ Corona Virus 2019 (COVID-19) rRT PCR Detection Kit, ang testing kit na gawa ng mga UP scientists.

Ang nasabing mga kit ay inilabas na noong Abril 4.

Imahe mula sa UP Office of the Student Regent via Facebook

Kumpara sa mga banyagang kits, mas mura ang testing kit na gawa ng UP at mas mabilis din umano ang pagbibigay ng resulta kung positive o negative ang isang tao. Sa kasalukuyan ang production ng mga kits ay inaasahang maaaring makagawa ng hanggang 120,000 tests. Inaasahan na magsisimula ang distribusyon ng mga kits mula Abril 4 hanggang 25, at uunahing bigyan ang mga hospital kabilang ang Philippine General Hospital, Makati Medical Center, The Medical City, Vicente Sotto Memorial Medical Center, Southern Philippines Medical Center, at ang  Baguio General Hospital.

Imahe mula sa UP Office of the Student Regent via Facebook

Pagkatapos mabigyan ang mga hospital, ibebenta na rin ang mga kits sa publiko na maaaring magkahalaga ng hanggang P1,300. Dahil dito, maaari nang maipatupad ang hinihiling ng publiko na “mass testing” sa bansa upang malaman kung sino ang mga positibo sa COVID-19 at maagapan ang paglala nito.

“The test kit was previously approved by the FDA for field trial with gene sequencing on March 1-10, 2020. Upon the company’s submission of necessary requirements today, the FDA issued a certification for this COVID-19 test kit to be allowed for commercial use,” pahayag ni FDA Director General Eric Domingo.