Baligtad na: Mga pandesal na lumiit dahil sa kakulangan sa harina, ginawang palaman sa hotdog

  • Sa gitna ng krisis na dala ng COVID-19, madalas na nagkakaroon ng kakulangan ng supply
  • Ibinahagi ng isang Facebook user ang mga litrato ng maliliit na pandesal na nabibili sa isang panaderya sa lugar nila; apektado raw ng kakulangan ng harina kaya lumiit
  • Sa halip na madismaya, ginawa na lamang itong katatawanan ng netizen; ipinalaman ang tinapay sa hotdog, at tinawag itong “Hakdog Sandwich”

Isa ang kakulangan ng supply sa mga epekto ng kasalukuyang krisis na dala ng COVID-19. Mayroong iba’t ibang dahilan ito: kakulangan sa trabahador at empleyado dahil kaunti ang pumapasok, kakulangan sa materyales dahil limitado ang biyahe, at iba pa.

Image via Ronz Austin Reyes | Facebook

Ano pa man ang dahilan, ang kakulangan ng supply ay mayroong epekto sa mga mamimili.

Sa Facebook, ibinahagi ng social media user na si Ronz Austin Reyes ang mga litrato ng maliliit na pandesal na nabibili sa isang panaderya sa kanilang lugar. Ayon daw sa nagtitinda, kakulangan ng harina ang dahilan kaya mas maliit na kumpara sa dati ang ipinagbibili nilang tinapay.

Mabuti na lamang at likas sa mga Pilipino ang pagiging masayahin at ang kakayahang pagaanin ang mga mahihirap at hindi magandang situwasyon. Sa halip na madismaya o magpahayag ng galit sa Facebook, ginawa na lamang itong katatawanan ng netizen. Ipinalaman nito ang maliliit na pandesal sa hotdog at tinawag itong “Hakdog Sandwich”.

“Ayoko na ma-extend pa ‘yong ECQ, wala raw maka-deliver ng harina sa bakery. Tinipid na lang daw nila. HAKDOG SANDWICH,” saad niya sa caption ng mga litrato.

Kinaaliwan ng maraming netizen ang post na ito ni Reyes. Anila, baligtad na pala ngayon: hotdog na ang ginagamit bilang tinapay at pandesal na ang ipinalalaman sa hotdog. As of writing, nakakuha na ito ng halos 9,000 reactions at mahigit 13,000 shares.

Image captured from Facebook

Sa gitna ng mga nangyayari sa kasalukuyan, hinahanap din ng mga tao ang mga bagay na mapagpapatawa at kakalma sa kanila kahit saglit lang.