Mangan tayon! Mga karaniwang pagkain na inihahain sa probinsya

  • Sa tuwing umuuwi ng probinsya ay hinahanap-hanap nating mga Pinoy ang mga pagkain na doon lang matitikman
  • Ang inihahain kasi na mga ulam sa probinsya ay tiyak na sariwa at masustansya kumpara sa mga pagkaing de lata
  • Sa ibinahaging post ng isang netizen, ipinakita niya ang mga karaniwang nakaTatakam na pagkaing inihahain sa probinsya

Marahil karamihan sa mga Pinoy na nasa Maynila ay mayroong probinsya na kanilang inuuwian paminsan-minsan. Ang iba naman ay sa Maynila nagtatrabaho o nag-aaral ngunit sila ay taga probinsya, kaya naman nangungupahan na lamang sila o nakikitira sa kamag-anak sa lungsod.

Imahe mula kay Ella Gali via Facebook

Ano nga ba ang mga pinananabikan ng mga Pinoy na nasa Maynila tuwing uuwi sa kanilang probinsya?

Marahil ito ay ang malinis at sariwang hangin, malayo sa maraming tao at sasakyan, at syempre, ang mga nakaTatakam na pagkain na sa probinsya nila natitikman.

Ang mga pagkain kasi sa probinsya tulad ng prutas, gulay, at maski ang mga isda o seafood ay masasabing sariwa kapag niluluto at inihahain. Bagong pitas o huli kasi ang mga ito kumpara sa “processed foods” na karaniwan nang kinakain sa Maynila: ang mga ulam sa probinsya ay masasabing malinamnam at masustansya.

Imahe mula kay Bea Esteban via Facebook

Sa Facebook post ni Bea Esteban, ibinahagi niya ang karaniwang pagkaing Ilokano na inihahain sa hapag kainan. Ang mga pagkain na ito ay: ginisang bunga ng malunggay, inihaw na bangus and tilapia, pinalkang dukyang (isang uri ng shell), pansit, at ensaladang mangga.

Ang litrato ay kuha sa Moncada sa may Tarlac kung saan ang mga naninirahan ay mga Ilokano. Kaya naman hindi na rin nakapagtataka na ang side dish ng ulam ay sawsawan na bagoong na may sili.

Imahe mula kay Ella Gali via Facebook

Nilagyan ito ni Bea ng caption na “Mangan tay Apo!” na salitang Ilokano at ang ibig sabihin ay “kain na tayo!” Ang litrato ay tunay nga namang nakakatakam lalo na sa mga kapuwa Ilokano na kinalakihan na ang ganitong mga pagkain.

Nararapat lamang na bigyang halaga ang ating mga probinsya at ang mga bagay at pagkain na inihahandog nila sa atin sa tuwing tayo ay umuuwi o bumabalik doon. Importante rin na kumain ng gulay at hindi lamang puro karne at de latang mga ulam.