‘Nauubos ang baon ko riyan!’ Umang, naging malaking bahagi ng kabataan

  • Naging malaking bahagi raw ng kabataan ng maraming batang Pilipino ang mga umang
  • Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga sandaling masaya na sila basta nakabibili ng umang sa labas ng paaralan
  • Saad ng karamihan, nauubos ang baon nila sa paaralan noon sa pagbili nito

Isa ka ba sa mga bumibili noon ng umang sa mga nagtitinda nito sa labas ng paaralan noong nasa elementarya ka pa lang? Kabilang ba ito sa mga dahilan kaya nagmamadali ka noong lumabas sa silid-aralan sa tuwing uwian?

Image capture from Facebook

Naging malaking bahagi raw ng kabataan ng maraming batang Pilipino ang mga umang. Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga sandaling masaya na sila basta nakabibili ng umang sa labas ng paaralan. Saad ng karamihan, nauubos ang baon nila sa paaralan noon sa pagbili nito.

“Bumibili ako ng ganito noon sa school, P1 hanggang P5 ang isa,” pagbabahagi ng social media user na si Cecilia Rosas Optana. “Depende sa laki ang presyo.”

“Hahahahahha sarap talaga balikan ng nakaraan! Great memory para sa mga 80s and 90s kid!” kumento ni Gerie Gasal.

“Bumibili rin ako niyan noon. Hindi bale nang hindi makapagmeryenda,” kuwento ni Merly Tuazon. “Nakikigaya lang ako noon sa mga kaklase ko.”

Pagbabahagi ng iba, sobrang inaalagaan nila ang kanilang mga nabibiling umang; mayroong lalagyan na ang iba ay sa maliit na aquarium pa, may pagkain, at kung minsan ay pinapangalanan pa nila. At kahit madalas sila nitong natatakasan kapag lumababas ito sa shell nito, bili pa rin daw sila nang bili ng panibago.

Samantala, ang iba naman ay takot daw sa umang dahil sa hitsura nito na sa tingin daw nila ay bigla na lamang silang sasaktan.

Image capture from Facebook

Ikaw, ano ang hindi mo makalilimutan sa mga umang na binibili mo noon at inaalagaan?