Girlfriend, nakatanggap ng kakaibang Valentine’s gift mula sa boyfriend

  • Hindi inaasahan ni Atty. Mary Zoelli na makatatanggap siya ng kakaibang regalo mula sa kanyang boyfriend noong Valentine’s Day
  • Sa halip kasi na ordinaryong bouquet ng bulaklak, nagpadala ang boyfriend niya ng isang special “patay na patay”  wreath
  • Umani naman ng samu’t saring reaksyon mula sa netizens ang kakaibang Valentine’s gift

Bilang selebrasyon ng Valentine’s Day, naging mabenta nitong mga nakaraang araw ang iba’t ibang uri ng regalo kagaya ng bulaklak, tsokolate, love letters, balloons, at stuffed toy. Ito kasi ang mga karaniwang binibili at ibinibigay tuwing gugunitain ang ispeysal na araw na ito.

Image may contain: one or more people
Imahe mula sa Facebook | Kenneth Manuel

Ngunit dahil sa isang viral post sa Facebook, naging usap-usapan ang kakaibang regalo na hinandog ng boyfriend ni Atty. Mary Zoelle. Sa halip kasi na ordinaryong bouquet ng bulaklak, pinadalhan siya ng isang wreath na may kakabit na sulat na “patay na patay” .

Kuwento ng katrabaho ni Zoe na si Kenneth Manuel, nagulat sila nang i-deliver ang nakaaaliw na regalo sa kanilang opisina.

“OMG a workmate received flowers this Valentines hahaha… and literal na pampatay na bulaklak tapos dinala sa office. I CANNOT!!!” saad ni Kenneth.

Pero paliwanag din ng uploader sa kanyang post, hindi naman daw naging ‘creepy’ o nakakatakot ang surpresang ito.

“Hindi naman creepy kasi boyfriend niya nagpadala ang it’s a cheeky biruan between them. Medyo embarrassing lang nang slight kasi pinagkaguluhan sa office pero ang cute hahaha,” pahayag ni Kenneth.

Sinakyan naman ng abugado ang ‘trip’ ng kanyang boyfriend at pabiro pang nag-reply na “patay na patay ka rin sa akin”.

Image may contain: 1 person, standing
Imahe mula sa Facebook | Kenneth Manuel

Subalit sa kabila ng pagtanggap at pagkaaliw ni Zoe sa regalo, hindi naman naiwasan ng ilang netizens na magbigay ng saloobin tungkol sa diumano’y “bad joke” na ito.

“For me it’s a bad joke. I cannot afford to send a sympathy flower to the one I love. Love is not dead but love is forever,” komento ni Wyners Hardvard. “This may be funny but ‘yung symbolism ng death is not funny,” sabi rin ni Ivy Varon Duaviz.

Gayunpaman, may iba namang nagpakita ng suporta rito.

“Expensive pero napatawa naman ‘yung mahal. That’s priceless,” giit ni Jomer Catap Mercado. “Pinakamaganda diyan tanggapin mo na lang at least mag ‘thank you’ ka kasi nag effort,” suhestyon naman ni Luz Pacia.

Samantala, hindi lang si Zoe ang nakatanggap ng ganitong klaseng regalo. Sa katunayan, kumakalat din sa social media ang isang litrato ng sympathy flowers na may nakalagay na “patay na patay ako sa’yo”.

Ikaw? Anong opinyon mo? Tatanggapin mo rin ba sakaling bigyan ka ng ganitong klaseng regalo sa Valentine’s?