Nostalgia: Noong sa mga holen lamang umiikot ang mundo ng maraming bata

  • Pagkagaling sa paaralan, sa tuwing walang pasok o bakasyon sa eskwela, umiikot ang mundo ng maraming bata sa paglalaro ng holen na noon ay usong-uso pa
  • Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng marami ang mga sandali kung kailan masaya na sila sa simpleng paglalaro lamang ng holen
  • Mayroong nagbahagi pa ng kanyang koleksyon ng mga holen na hanggang ngayon ay talaga namang iniingatan niya pa rin

Sa mga holen din ba umiikot ang mundo mo noong bata ka pa?

Image capture from Facebook

Pagkagaling sa paaralan, sa tuwing walang pasok o bakasyon sa eskwela, umiikot ang mundo ng maraming bata sa paglalaro ng holen na noon ay usong-uso pa sa mga paslit.

Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng marami ang mga sandali kung kailan masaya na sila sa simpleng paglalaro lamang ng mga holen.

“Marami akong holen noong bata ako,” pagbabahagi ng social media user na si Rodel Pangilinan Aguayo II. “Punong-puno noon ng mga holen ko iyong malaking lalagyan ng pulbos.”

“Laging nasa bulsa ko ang mga marble noong bata ako,” pagbabalik-tanaw ni Manuel Sanchez Jr.

“May ‘around the world’ pa nga kami noong mga kalaro ko niyan, kung saan iniiwas na matapat sa butas ‘yong holen kapag titirahin ng kalaban,” kuwento ni Reynaldo Torres.

Kuwento naman ni Adia Orregue, “Gustong-gusto kong alamin noon kung ano ang nasa loob ng mga holen at kung paano napasok ‘yong design to the point na babasagin ko…. Aminin, namangha talaga tayo sa mga holen.”

Samantala, mayroong nagbahagi pa ng kanyang koleksyon ng mga holen na hanggang ngayon ay talaga namang iniingatan niya pa rin.

Image capture from Facebook

Naglalaro ka rin ba noon ng mga holen? Ano-ano ang mga alaalang kakabit nito na hanggang ngayon ay baon mo pa rin kahit matanda ka na?