Memory lane: Gumamit ka rin ba noon ng classic na magic slate?

  • Sa bahay man o sa eskwela, bidang-bida dati sa mga bata ang magic slate, lalo na noong dekada 90
  • Sa We are 90’s (Kami ang Batang 90’s) group, ibinahagi ng isa sa mga miyembro ang litrato ng magic slate kung saan nagsusulat at gumuguhit noon ang mga bata
  • Maraming miyembro ang nagbalik-tanaw nang makita ang larawang ito

Isa ka ba sa mga gumamit noon ng magic slate? Sa bahay man o sa eskwela, bidang-bida dati sa mga bata ang school supply — na puwede ring laruan — na ito, lalo na noong dekada 90.

Image capture from Facebook

Sa Facebook group na We are 90’s (Kami ang Batang 90’s), ibinahagi ng isa sa mga miyembro ang litrato ng magic slate kung saan nagsusulat at gumuguhit noon ang mga bata. Ginagamit itong scratch sa paaralan; sinusulatan ng kung ano-ano, ginuguhitan, kasama sa bonding moment ng magkakamag-aral. Pinaglalaruan din ito kapag nasa bahay na, o hindi kaya’y kapag naglalaro sa labas kasama ang ibang bata.

“Back in my day, this was our iPad,” saad ng nakasulat sa imahe na ini-upload ni Donat King.

Maraming miyembro ang nagbalik-tanaw nang makita ang larawang ito.

“Uyyy, ibang-iba na talaga ang panahon noon sa panahon ngayon. Ngayon, ang hawak na ng mga bata ay tablet o cellphone. Tayo noon ganiyan lang,” kumento ng isa sa mga miyembro na si Ericka Mae Orencia-Gragasin.

“My drawing board! Hehehehe,” kumento ni Nolasco Lantin.

Sabi pa ng iba, mas mababaw ang kaligayahan ng mga bata noon; mas kuntento sa mga simpleng bagay, madaling makahanap ng pagmumulan ng tuwa.

Image via Pixabay

Ngunit kung iisipin, magkaiba man ang mga nagpapasaya sa mga bata noon at sa mga bata ngayon, ang mahalaga ay masulit nila ang kanilang kamusmusan dahil minsan lamang tayo maging mga paslit.

Ikaw, ano ang mga nagpapasaya sa iyo noong bata ka?

Source: Facebook