Joshua, may espesyal na karismang minsan lang kung dumating sa isang henerasyon – Kris

Puring-puri ng Queen of All Media na si Kris Aquino ang popular na tambalang JoshLia.

Sa video na ibinahagi ng ABS-CBN Star Cinema, sinabi ni Aquino na humahanga siya sa magka-love team na sina Joshua Garcia at Julia Barretto, at paborito pa niya ang isang pelikula nila.

“I super duper love Love You To The Stars And Back. As in talaga,” aniya.

Baling niya kay Garcia, “‘Yong nag-collapse ka sa banyo, literal naiyak talaga ako.”

Pinuri niya rin kung paano nagningning ang dalawa sa pelikula kung saan kasama sila nina Robin Padilla at Sharon Cuneta.

“The fact that Unexpectedly Yours was really about Robin and Sharon but the fact that the two of you were still shining,” wika niya.

[Iyong Unexpectedly Yours tungkol talaga kina Robin at Sharon pero nagningning pa rin kayo.]

Sabi pa ni Aquino, “Julia is really an actress. And Joshua had that special charisma that really just comes just once in a generation.”

[Si Julia ay isang tunay na aktres. At si Joshua, may espesyal na karisma na isang beses lamang kung dumating sa isang henerasyon.]

Payo ni Aquino, dapat ay ingatan ng dalawa ang kanilang “onscreen magic.”