Zoomzooms at pompoms

Tayo ang mga batang huling nakatikim ng nutribun bago hininto sa panahon ni Cory. Hinanap ko ang kasagutan sa Google kaso puro martial law ang lumalabas.

Tayo ang mga batang hindi nanaba sa kakakain ng zoomzooms at pompoms. Junk food daw kasi. Pero parang gamot na rin nun, hindi kita naalalang naospital dahil sa kinain. HIndi ko rin matandaan kung pinausukan ka ng para sa asthma.
Tayo ang mga batang may madungis at putik putik na uniporme kapag uwian na. Sa putak ng ina mo at pitik ng tatay ko, wala tayong kakamping bantay batang kukupkop sa atin.
Matutulog tayo ng maaga sa gabi kapag gabi gabing blackout at pagkalipas ng siyam na buwan, nagkakaroon tayo ng mga kapatid hanggang nagsisiksikan na sa hapag kainan. Tig-apat na tayo ng mga kapatid.
Tayo ang mga batang nasanay sa kuskos at pagkakasugat ng labaha sa ulo, gupit sandok. May bangs ka gaya ng sikat na sikat noon na si Madonna. Sanay tayong nakatuck in ang mga damit at isang metrong medyas abot tuhod sa nakatawang sapatos.
Tayo ang mga batang tinatakbo emergency sa doktor hindi dahil sa trangkaso o kombulsyon kundi dahil sa mga bali, sugat, hiwa mula sa pagkahulog sa bayabas at bisikleta.
Tayo ang mga batang may kuwintas na tirador, may relong gawa sa dahon ng niyog, may hikaw na dagta ng kaimito, may suot na singsing at bracelet na lastiko. Paramihan tayo ng mga buto ng kasuy na nakalagay sa hinahanap ng mga tatay na nawawalang medyas.
Maalaga tayo sa mga hayop at insekto. Sanggol na trato aang ibinibigay natin sa mga gagamba, ginagarapon natin ang mga alitaptap, pinapaliguan natin ang mga pusa at manok, pinapalangoy natin ang mga palaka sa pinagbanlawan ng labahan.
Naglaho na ang mga batang iyon ngayon. Hinanap ko sila at nanibago ako sa nakita. Naka-zoom sila sa harap ng kompyuter at napupongpong ang mga daliri sa junk na gawain….

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...