Walang S (OFW Love Letter)

Twilight Twinkle by jurvetson on 2007-07-21 22:09:15

Mahal kong kabiyak,

Walang intro, rekta agad para malaman mo na nananabik akong makatabi ka parati lalo kapag ako’y nalulungkot. Mahirap ang mawalay nang malayo, mahirap magtrabaho kapag hindi kita nakikita. May Facebook man o Facetime, hindi nagtutugma ang panahon natin, hindi rin ako online lagi. Wala man lang pocket wifi akong dala, nakikikonek na lang kapag panahon na ng pahinga at pagtulog.

Malawak ang buhanginan at tuyong lupain, mainit ang araw at malamig ang gabi. Atat man akong makauwi na at mamalagi na lang diyan nang permanente habangbuhay, pagtitiyagaan ko pa rin ang manatili dito para makapagpundar tayo at magkaroon ng katuparan ang mga pangarap natin.

Ang mga anak natin ay huwag na huwag mong pababayaan. Ang inyong mga larawan ang laging umaalalay kapag ako ay nalulumbay. Napapawi ang pagod at paghihirap ko kapag hawak-hawak ko at tinitignan ang mga nakangiti ninyong larawan. Ang panaginip ko lagi ay kayo, kayo ang alab ng damdamin ko para maitaguyod ko ang darating na araw na hindi na tayo maghihirap pa.

Taon man ang gagapangin, alam kong makapaghihintay ka, Mahal. Ito na iyong mga pangarap natin. Handang ibigay ang lahat maging buhay ko para lang matupad natin lahat ng hinihiling natin kay Ama.

Kaunting panahon pa aking mahal, hindi na ako babalik dito, makakapiling mo na ako. Handang harapin ang lahat ng hadlang at problema- ang nandiyan ka lang ay okey na. Ang tanging bilin ko lang ay panatilihin mo ang tiwala, paniniwala at pananalig. Wala na akong mahihiling pa, kontento na ako na ang tayo ay mananatiling matatag. Malalaktawan ang lahat ng harang. Anuman ang dumating, kapit ka lang, hindi ako mawawala kahit na ako ay malayo sa inyo.

Babalik ako para makapiling ka, ang pagkatao ko man ay hindi kompleto, kulang-kulang, mabubuo pa rin dahil ang tanging tutugon para makumpleto ako ay ikaw at ang mga anak natin…

Nagmamahal,

Ako

Photo by jurvetson

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!