Walang R (Singil Utang)

Hiniram na meme kay papadomsofficial

Mam,

What’s up na, Mam?!

Pang ilang liham ko na ito sa iyo, pang-anim na yata, hindi ko na maalala. Oo nga pala, ‘wag naman sana na nagka amnesia ka na, malulungkot ako, at sa malamang, maiiyak ako. Kaya ko pa naman kahit papaano, nakakaligtas pa sa mga alingawngaw ng gutom sa tiyan at namamalagi pa sa katinuan. Kaya lang, lagi akong napapaisip mula nang lumagpas na ang taning na magbabayad ka ng utang sa akin.

Nakikiusap na ako, Mam, pwede bang magbayad ka na muna ng utang upang sa susunod ay mapapautang na naman kita? Mahigit isang taon na ang nakalipas, noong una mo akong nilapitan, ambait bait mo sa akin, magiliw kang kausap, inaaya mo pa akong kumain ng malutong na balat ng manok sa kanto. Dinadalhan mo ako ng luto mong ulam sa bahay, nakakawili kang kausap. At nang ikinuwento mo na nangangailangan ka ng salapi dahil sa hindi inaasahang pagkakasakit ng malapit na kamag-anak mo, isang sabi mo lang sa akin, naibigay ko agad ang hinihiling mo.

Nagtiwala ako, naniwala na makakabayad ka agad. Malayo pa man ang mga buwan na magbabayad ka, panay paabot mo ng pasensya na baka hindi mo maibigay agad agad. Naniwala ako.

Hanggang unti-unti, ang pamamalagi mo ay naging El Nino, dumalang nang dumalang at ang mga balik mong mensahe sa cellphone ay panay nasa abala kang kalagayan. Naniwala ako.

Sana nga ay hindi na lang kita pinautang, binigay ko na lang sana at hindi ko na dapat singilin, kaso pinagpawisan ko ‘yun, napagod ako sa pagbuo ng salaping iyon, at naipunta ko na sanang pambili ng pangangailangan ko sa linggo-linggong pamumuhay. Kung bakit kasi naniwala ako sa iyo.

Sa pagtatapos ng liham na ito, sana balingan mo ng mensahe kahit pangungumusta lang, kahit masabi mo lang na buhay ka pa kasi kung patay ka na, abuloy ko na iyon sa iyo, sasapat na.

Patuloy pa akong aasa na mababalik ang kinuha mo sa akin at patuloy akong mamumuhay kahit na ginulangan at kinulangan mo ako…

Naniningil kahit bayad konsensya man lang,

Ako

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!