Wag Namang Ganyan, Kabayan!

Kakatapos ko lang magtrabaho. Andaming naging pasyente. Pagod at basa na ko ng ulan dahil nakalimutan kong magdala ng payong. At kapag inabot ka nga naman ng kamalasan, lowbat pa yung phone ko kaya di ako makapakinig ng Christian Songs. Tinatamad din naman akong hugutin ang libro sa bag para magbasa. Naisip ko na lang matulog sa mahigit isang oras na biyahe pauwi ng bahay.

Pagkahinto ng tren sa una nitong stop, isang kababayan natin ang sumakay na may kasamang ibang lahi na mula rin sa Asya. Ngumiti ako at malamya naman siyang tumugon. Ipinikit kong muli ang aking mga mata pero hindi ako makatulog. Narinig kong pinag-uusapan nila kung gaano kaganda ang buhay dito sa London.

Maya-maya lang napasok na sa usapan ang Pilipinas. Tinatanong yung kababayan natin kung ano daw masasabi niya sa ating bansa. English ang sagot niya pero kung isasalin sa sariling wika, sinabi niyang…

“Mahirap kasi walang trabaho, walang makain. Kurakot ang gobyerno at walang kwenta ang mga batas dahil walang mga sumusunod at wala rin namang nagpapatupad. Kung dun ka titira, walang mangyayari sa buhay mo. Pero okey din naman.”

Di ko napigilang imulat ang aking mga mata at tingnan sila. Ganun na lamang ang hiya ko sa sarili ng makita kung gaano sila kadismaya sa narinig habang nakangiti pa rin ang walang pakundangan sa pagsasalita. Muli kong ipinikit ang aking mga mata at naghintay kung may sasabihin siyang positibo. Pero wala. Paano naging okey yung mga sinabi niya? Ni hindi man lang niya nilinaw sa mga kausap kung anong ibig sabihin ng “okey” para sa kaniya.

Wag namang ganyan, Kabayan! Para mo ng pinatay ang isang bayang naghihingalo pa lamang. Sapat ng alam nating mga Pilipino ang dapat baguhin sa ating bayan. Di na natin kailangan pang ipamalita sa ibang bansa kung gaano tayo kabastos at kawalang disiplina. May maitutulong ba sila? At sa ginawa mo, may naitulong ka ba? Lalo mo lamang sinira ang imahe ng ating inang bayan.

Aminado akong totoo ang mga sinabi niya. Kung tutuusin, ito rin ang kadalasang pinupunto ng mga sanaysay ko. Ngunit may mas magandang paraan kung paano ito sasabihin. At taliwas sa kaniyang motibo, ang hangad ko’y pagbabago.

Sa halip na ibenta ang sarili mong bayan sa mga karatig-bansa nito, bakit hindi mo itanong sa iyong sarili kung may naitulong ka na ba para matuldukan ang mga kabulukang nabanggit mo? Nakalimutan mo na ba na kahit wala ka na sa Pilipinas ay kakabit pa rin ng iyong pagkakakilanlan ang pagiging isang Pilipino? O talagang kinalimutan mo na?

Kung kaya ka nangibang bansa dahil nais mong tulungan ang iyong pamilya at maipagmalaki ng iyong bansa, saludo ako sa iyo. Pero kung umalis ka para talikuran ang bulok na sistema nito at masalimuot mong buhay, duwag ka. Hindi ka nararapat na tawagin bilang OFW na mga bagong bayani ng ating bayan. Tama na ring umalis ka dahil isa ka lamang pampabigat. Isang makasariling tao na walang pagtanaw ng utang na loob sa bayang kumalinga sa’yo ng ilan ding taon.

Kabayan, sana magbago pa ang iyong pananaw. Sana balang araw, kainin mong muli ang iyong mga sinabi. Pero kung hindi na, sana lang, wag ka ng bumalik sa ipinagkanulo mong pinanggalingan.

Photo credit: pinoy-ofw.com

Enhanced by Zemanta

About WithLoveAriane

I am 24 years of age and a nurse by profession. Weblog has been my outlet for self-expression. I started way back in 2007. It is not the minutiae of my everyday life. Rather, a portal that opens up my thoughts and feelings to my trusty friends - my multiply contacts. It gives me voice to things I am not prepared to say to someone's face. And for years of blogging, I realized that 95% of my entries were written in English. So I thought of this - making a public blog account - a hundred times. I am not sure the world would probably want to hear what I’ve got to say. But I really do love expressing myself through writing and I believe I still have a lot to say - in my native language. With Love, Ariane
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!